MALONZO, TOP PICK NG AMA

Jamie Malonzo

BUKAS (Lunes) magaganap ang inaabangang 2020 PBA D-League Draft sa PBA Office sa Libis.

Ang top pick ngayong taon ay si La Salle high-flyer Jamie Malonzo, na inaasahang susunggaban ng AMA Online Education.

Sa ika-apat na magkakasunod na taon ay nakuha ng AMA ang mga top draft pick ng liga.

Ang mga nakaraang top selection ng Titans ay sina Jeron Teng (2017), Owen Graham (2018) at Joshua Munzon (2019).

Sa Pebrero 13 na magsisimula ang PBA D-League Aspirants’ Cup na ngayong taon ay may 12 competing teams.

Kabilang sa 12 ang NCAA champion Letran at UAAP runner-up University of Santo Tomas. Maglalaro ang Knights bilang Wangs Basketball-Letran, habang ang Growling Tigers ay UST Builders Warehouse.

Matatandaan na diniskaril ng Letran ang “perfect year win” sana ng San Beda sa NCAA Season 95.

Muli naman nakabalik ang UST sa UAAP finals simula noong 2015. Gayunpaman, hindi sila umubra sa mas malakas na Ateneo, na nanatiling kampeon sa Season 82.

Parehong umaasa ang dalawang koponan na maipagpapatuloy sa 2020 PBA D-League ang naging tagumpay nila sa NCAA at UAAP noong nakaraang taon.

Noong nakaraang taon ay sumali na rin sa liga ang Letran at UST ngunit kapwa nabigong umabot sa Aspirants’ Cup playoffs.

Ang iba pang teams na makikipag-agawan sa Aspirants’ Cup crown ay ang kapwa bagitong EcoOil-DLSU at Mapua, at mga nagbabalik na Centro Escolar University, AMA Online Education, San Sebastian, Far Eastern University, Diliman College, Technological Institute of the Philippines, at Enderun Colleges.

Ang Marinerong Pilipino, nagtapos na bridesmaid sa Foundation Cup, ang nag-iisang club ngayong conference.  (EBG)

311

Related posts

Leave a Comment