TRIVIA Ni EDDIE ALINEA
“YOU gotta have a butterfly net to catch me… It’s gonna be a chilla, and a thrilla, when I get the Gorilla in Manila.”
Ito ang sinabi mismo ni world heavyweight champion “The Greatest” Muhammad Ali noong Hulyo 17, 1975 kaugnay sa nakatakdang pagtutuos nila ng challenger na si “Smokin” Joe Frazier noong Oktubre 1, nasabing taon sa Maynila. At sa harap ng international media, inilabas ng 33-anyos na kampeon ang isang maliit na gorilyang laruan na gawa sa goma at pinaghahampas ito.
Mula noong mga sandaling iyon, sa loob ng sumunod na 74 na araw ang Pilipinas, partikular ang Maynila, ay naging laman ng lahat ng mga pahayagan, radyo at telebisyon sa buong mundo. Ang 12-round fight nina Ali at Frazier ay naging pangunahing balita lalo sa ating bansa.
Makaraan ang maraming taon, kahit namayapa na si Frazier noong Nobyembre 7, 2011 at si Ali ay noong Hunyo 3, 2016, buhay na buhay pa rin ang alaala ng Thrilla in Manila sa maraming sports fans, lalo yaong naabutan ang kasikatan ng dalawang alamat sa boksing.
Saksi ang manunulat/kolumnistang ito kung gaano tinutukan ng mga Pinoy ang puno ng drama na huling laban (trilogy) ng dalawa. Naroong puntahan ni Ali, na may dalang baril, ang hotel na naging pansamantalang tahanan ni Frazier at bantaan na babarilin ito. Ipinangalandakan din ng kampeon ang kanyang keridang si Veronica Porsche nang siya ay mag-courtesy call kay noo’y Pangulong Ferdinand Marcos sa Malakanyang.
Agad naman nakarating ang balita sa misis ni Ali na si Belinda Boyd (Khalila) at mula Chicago ay dali-daling sumugod sa Maynila para komprontahin ang babaerong mister, na nauwi sa malaking iskandalo na muntik nang daigin ang Thrilla.
Tabla sa tig-isang panalo at talo sina Ali at Frazier kaya marami ang nag-abang sa huli nilang pagtutuos. Wagi si Frazier sa una na ginanap sa New York noong 1971. Kababalik pa lamang noon ni Ali mula sa tatlong taong suspensyon sa kanya dahil sa pagtangging pumasok sa US military.
Umabot sa 14-round ang bakbakan bago napabagsak si Ali sa 15th round at nanalo si Frazier. Ngunit sa pangalawa nilang paghaharap ay nakabawi si Ali, bagama’t marami ang naniniwalang si Frazier pa rin ang dapat nagwagi. Ito rin ang dahilan kaya’t nagkaroon ng decider Thrilla in Manila ang dalawang boksingero.
102