MULING inilampaso ng Golden State Warriors ang Denver Nuggets, 126-106, sa Chase Center sa San Francisco (Martes sa Manila) para sa 2-0 lead sa opening round playoff series.
Bukod sa pagdomina sa laro, nagawang pag-awayin ng Warriors ang Nuggets, nang habang timeout sa kalagitnaan ng Game 2 at angat ang Warriors ng 10 ay tinalunan ni Will Barton sa mukha si DeMarcus Cousins habang naglalakad pabalik sa bench. Kinailangang paghiwalayin ang dalawang player habang patuloy ang pambubuska sa isa’t isa.
Lumaban ang Nuggets at nagawa pang umabante ng 12 points sa second quarter, pero hindi iyon nagtagal nang maglatag ang Golden State ng 16-0 run sa halos apat na minuto ng second quarter para sa double digit na abante.
Nang sumapit ang fourth quarter, hawak ng GS ang 20-point lead at kontrol sa laro at wala nang nagawa ang Denver lalo nang napatalsik si Nikola Jokic matapos matawagan ng ikalawang technical.
Si Jokic ay may 26 points at 11 rebounds mula sa 9-of-20 shooting sa field.
Naging unang Warrior naman si Steph Curry na napasama sa 3,000-point club at ika-27 player sa NBA history.
SIXERS 2-0 RIN
vs RAPTORS
SA simula pa lang ng aksyon ay nakatikim na si Joel Embiid ng ‘deliberate blows’ mula sa Raptors defense, pero pinilit niyang maging kalmado.
Agad din siyang binigyan ni coach Doc Rivers ng mensahe: “No, Jo, you be the dominant guy.”
Kaya naman, sinimulan ng NBA MVP finalist na dominahin ang laro. Isiniksik ng 7-foot bulky center ang katawan at umiskor ng 31 points at may 11 rebounds, para itala ang 2-0 lead laban sa first-round series via 112-97 win sa Philadelphia.
Sa bawat dikit niya sa kalaban, nakakakuha ng foul si Embiid, may 12-of-14 free throws at 9-of-16 shots sa floor.
Tumulong muli si Tyrese Maxey, 23 points, nine rebounds at eight assists. Habang si Tobias Harris, 20 points at 10 rebounds at 14 puntos mula kay James Harden.
Nanguna naman sa Raptors si OG Anunoby, 26 points habang nagdagdag sina Pascal Siakam at Fred VanVleet ng tig-20.
Inakusahan ni coach Nick Nurse ang game officials na tila hinahayaan ang Sixers sa ginawang hard fouls sa Game 1.
At wala pang dalawang minuto sa laro, binalya ni Anunoby si Embiid, na gumanti kaya pinaghiwalay sila ngunit kapwa tinawagan ng technical fouls.
MAVS, JAZZ
TABLA NA
ITINABLA ng Mavericks ang first-round series via 110-104 win kontra Utah Jazz sa Game 2 sa Dallas.
Wala pa rin si superstar Luka Doncic ngunit kumamada si Jalen Brunson ng career-high 41 points, nagdagdag si Maxi Kleber ng 25, walo rito mula sa Dallas’ playoff-record 22 three-point baskets.
Ang Mavericks, nanganib matalo sa first two games matapos simulan ang playoffs na may home-court advantage sa unang pagkakataon sapol nang maibulsa ang NBA title 11 years ago, ay hinabol ang 10-point deficit sa second half.
Si Kleber, nakapagtala lamang ng 19% ng kanilang 3-point attempts mula noong All-Star break, ay buong kumpiyansang bumato ng 8-of-11 beyond the arc. Ang kanyang 3-point basket, 4:21 sa laro ay naglagay sa Dallas sa 99-98 lead.
Si Brunson, bilang starting point guard ay naging fifth Dallas player na nakaiskor ng 40 points sa playoff game. Si Doncic ang isa sa apat na naunang nakapagtala ng nasabing record.
Naglista si Donovan Mitchell ng 34 points sa Utah, habang nagdagdag si Bojan Bogdanovic ng 25. May 21 puntos si Jordan Clarkson at si Rudy Gobert ay may eight points at 17 rebounds.
DPOY SI
CELTICS’ SMART
TINANGHAL na NBA’s Defensive Player of the Year si Boston Celtics star Marcus Smart, isang araw matapos ihayag na isa siya sa tatlong finalists.
Si Smart ang sixth guard na nagwagi ng nasabing award sapol nang gawin ito noong 1983 at unang player pagkatapos ni Gary Payton (1995-96 season), na siya ring nagpaalam sa una hinggil sa DPOY award.
Maliban kay Kevin Garnett, si Smart ang ikalawang Celtics player na naging DPOY. Kabilang na siya ngayon sa grupo nina Michael Jordan, Alvin Robertson, Michael Cooper at Sidney Moncrief sa mga guard na nakapaguwi ng nasabing award.
Tinalo ni Smart sina Phoenix Suns forward Mikal Brides at Utah Jazz center Rudy Gobert, wagi ng tatlong beses sa nakalipas na four seasons.
73