DALAWANG NBA season walang Stephen Curry at Warriors sa playoffs. Sa nakalipas ding dalawang season at higit kalahati ng ikatlo, walang Klay Thompson. Bumalik si Thompson, buo na ulit ang tandem, at ngayon, swak sa Western Conference finals ang Golden State.
Sanay na ang Warriors sa ganitong giyera, sa pagkakataong ito, ibang mukha ang kanilang makakalaban.
Kung sa mga nakaraang season playoffs, ang mga mukha ng mga karibal gaya nina LeBron James, Chris Paul, James Harden, Damian Lillard, Russell Westbrook, Kawhi Leonard ang kanyang nakakatapat, hindi ngayong 2022 dahil ang mga nabanggit ay pawang nangabigo sa kanilang kampanya.
May kakaiba bang pakiramdam na hindi familiar faces ang haharapin niya at ng Warriors?
“A little bit,” sambit ni Curry nitong Lunes (Martes sa Manila). “But you’re so locked into what’s in front you that you don’t really think about that too much. Especially when you’re in a series. You’re just worried about the 14 guys on the other side. That requires all of your attention and emotional energy.”
Si Curry ang huling MVP aktibo hanggang sa postseason. Huling player sa NBA’s Top 75 na naghahanda pa rin sa mahalagang laro. Huling superstar na maaaring magwagi ng championship. At huling manlalarong tinawag na ‘faces of the NBA.’
Nakasasalay kay Curry kung maipagpapatuloy niya at ng Warriors ang pagiging ‘faces’ ng NBA.
Nakarating sa conference finals laban sa Dallas Mavericks, kinailangang talunin ng Warriors ang Denver Nuggets na pinangunahan ng 27-year-old at reigning back-to-back NBA MVP Nikola Jokic. Isinunod ang paggapi sa Memphis Grizzlies squad, pinamunuan naman ng 22-anyos na sina Ja Morant at Jaren Jackson Jr.
“We don’t have anything right now,” lahad ni Curry. “That’s the mindset of us being greedy.”
Magiging malaking hadlang kay Curry at sa Golden State si Luka Doncic, 2018 pa lamang ay kinakitaan na ni Curry ng husay at magbibigay-problema sa kalaban.
Sa regular season, nag-average na si Doncic ng 31.5 points laban sa Warriors, pumapangalawa kay LeBron James sa tig-dalawang laro na may parehong output, ayon sa ESPN Stats & Information research.
Nang dispatsahin ng Dallas ang Phoenix sa Game 7, nagsumite si Doncic ng 35 points.
Bukod sa inaabangang tunggalian nina Doncic at Curry, kaabang-abang din kung papaanong tatapatan ng Warriors ang depensa ng 23-year-old Mavs superstar.
Kahit hindi makalalaro si Gary Payton II, ang ‘Swiss Army knife’ ng Warriors sanhi ng fractured elbow, ang beteranong si Andrew Wiggins ang totoka kay Doncic.
Bukod kay Wiggins, nandyan din si Draymond Green, at maging si Thompson para pagtulungang pigilan si Doncic.
HEAT, CELTICS MAY PATUTUNAYAN
MAGMULA 2005, palagi nang naghaharap ang Miami Heat at Boston Celtics sa East finals.
At sa Martes (Miyerkoles sa Manila), papagitna ang Heat sa ikawalong appearance sa 18 seasons, habang ikapito naman ng Celtics sa nakalipas na 15.
Para sa top-seeded Miami, pagkakataon ito makapasok sa NBA Finals sa ikaanim na beses sa nakalipas na 12 taon at unang pagkakataon sapol nang talunin ang Boston sa 2020 NBA bubble season sa Florida.
Sisikapin ng Boston tapusin ang four straight losses sa conference finals, kabilang na ang dalawa sa kamay ng Heat (2011-12 at 2019-20).
Pero hindi malinaw sa Heat papasok sa conference series ang istatus ni point guard Kyle Lowry, nakakaanim na liban sa huling walong playoff games ng Miami sanhi ng hamstring injury.
Kinuha ng Miami si Lowry upang makatulong sa opensa, kasunod nang pagkatalo ng Heat sa first round nang nakaraang season sa kamay ng nag-kampeong Bucks.
Nang talunin ng Miami ang Atlanta Hawks at Philadelphia 76ers nang wala si Lowry, masusubukan ang Heat laban sa Celtics, ang NBA’s best defensive team.
Nagawang mabantayan nang todo ni Robert Williams III si Giannis Antetokounmpo at ganito rin ang plano laban kay Jimmy Butler, ang star player ng Miami.
Si Butler ay naga-average ng 28.7 points, 7.6 rebounds at 5.4 assists, habang may field shooting 52.5% at may eight free throws per game, bukod pa sa 36.4% sa 3-point range. (VT ROMANO)
112