NAGKAROON ng stand-off sa bayan ng Tipo-Tipo, Basilan matapos ang karahasang kinasasangkutan ng mga armadong grupo na umano’y may kaugnayan sa Moro Islamic Liberation Front (MILF).
Ayon kay Tipo-Tipo Mayor Ingatun G. Istarul, kasalukuyang may negosasyon sa pagitan ng magkabilang panig.
“Nakikipag-ugnayan po tayo sa mga kinauukulang ahensya upang matiyak ang kapayapaan at kaligtasan ng ating mga mamamayan,” ani Istarul.
Dagdag pa niya, nananawagan siya sa publiko na manatiling kalmado, huwag magpakalat ng maling impormasyon, at sundin lamang ang mga opisyal na abiso ng pamahalaan.
Dahil sa tensyon, sinuspinde ng lokal na pamahalaan ang mga klase at trabaho sa mga opisina ng gobyerno, habang pinaalalahanan ang mga residente na maging alerto at mapagmatyag.
Tiniyak naman ng Philippine Army na kontrolado ng militar ang sitwasyon, kasunod ng mga ulat na may “siege” o paglusob sa bayan at pagkasugat ng tatlong sundalo.
Sa pahayag ng 101st Infantry Brigade / Joint Task Group Basilan, ang karahasan ay rido-related conflict o alitan sa pagitan ng dalawang lokal na grupo mula sa magkalapit na barangay.
“The Provincial Government of Basilan, in coordination with the Council of Elders, MILF leadership, law enforcement agencies, and security forces, is working to de-escalate tensions and restore normalcy,” ayon sa pahayag ng militar.
Muling nanawagan ang Army at LGU sa mga taga-Basilan na panatilihin ang kooperasyon at suporta sa peace process, iwasan ang pagpapakalat ng hindi beripikadong balita, at agad iulat sa mga awtoridad ang anumang kahina-hinalang aktibidad.
Habang sinusulat ito, patuloy ang tensyon sa lugar, ngunit tiniyak ng militar na may kontrol ang pamahalaan at nakahanda silang protektahan ang mga residente habang isinasagawa ang tuloy-tuloy na negosasyon para sa kapayapaan.
(JESSE RUIZ)
16
