Starpay lang ang sakalam! 5 REMITTANCE FIRMS LAGLAG MATAPOS KUNAN NG ‘SOP’

(FERNAN ANGELES)

MAKARAANG tanggapin ang kabuuang P2.4-bilyong halaga ng nakagawiang ‘SOP’, inilaglag ng pamahalaan ang lima sa anim na electronic money remittance companies na dapat sana’y kokontratahin ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) para sa pamamahagi ng ayudang pinansyal sa mga apektadong pamilya sa mga lugar na isinailalim sa enhanced community quarantine (ECQ) sa kasagsagan ng pandemya.

Pagtatapat ng isang impormante, mas piniling paboran ng pamahalaan ang Starpay dahil umano sa pakiusap ng isang senador na malapit sa Pangulong Rodrigo Duterte, kahit pa lugmok na ang nasabing kompanya noong mga panahong iyon, bukod pa sa mayroon lamang itong P62,000 paid-up capital batay sa mga datos ng Securities and Exchange Commission (SEC).

Aniya, malaki ang naiambag ng nasabing e-remittance company sa nasabing senador noong ito’y kumandidato taong 2019. Kwento pa niya, 42,000 units ang mobile phones na ipinamahagi ng nasabing senador na malapit sa Pangulo sa kanyang mga itinalagang local political leaders nang ito’y kandidato pa lang, bagay na tinatanaw aniyang utang na loob ng nasabing opisyal.

Kabilang sa mga tinanggapan ng aniya’y SOP ay ang Cebuana Lhuillier, Palawan Express, G-Cash, Speedpay, Paymaya at ang Starpay.

Batay sa aniya’y kasunduan, hahatiin sa mga nasabing kompanya ang humigit kumulang P50-bilyon pondong laan para sa ayuda. Laking gulat niya umano nang igawad sa Starpay ang 70% ng nasabing halaga.

Pag-amin naman ni DSWD Secretary Rolando Bautista, pangangasiwaan ng Starpay ang pamamahagi ng ayuda para lamang sa 1.6 milyong benepisaryo subalit minabuti aniya nilang pahintulutan itong higitan pa ang nasa kontrata dahil sa mga diumano’y technical difficulties ng iba pang service providers na una na nilang kinokonsiderang katuwang sa distribution ng pondo sa ilalim ng kanilang Social Amelioration Program (SAP).

Giit pa ni Bautista, ikinonsulta rin aniya ng kanilang departamento ang nasabing hakbang sa Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) bago pa man inumpisahan ang pamamahagi ng pera sa paraang electronic transfer ng Starpay.

Bagamat nakapagsauli na ng P8 bilyon ang Starpay, mayroon pang P2.4 bilyon ang naiwan sa nasabing kumpanya.

197

Related posts

Leave a Comment