SUB-CON IPAGBAWAL DIN

DPA ni BERNARD TAGUINOD

KUNG talagang nais ng gobyerno na malinis nang todo at hindi talaga makukupitan ang infrastructure projects ng gobyerno ay dapat ipagbawal na rin ang pag-sub-con ng mga nanalong bidder.

Naging kalakaran na kasi na kapag nanalo ang isang malakas at pinaborang construction company ay kukuha ng isang talunan o kaya kaibigang contractor para gawin ang proyektong pinanalunan sa pamamagitan ng bidding-bidingan.

Dyan pa lamang kasi ay nauubos na ang pondo dahil kailangang kumita ang subcontractor at madalas diyan nagsisimula ang substandard na proyekto dahil kailangan nilang tipirin ang materyales dahil kung hindi ay malulugi sila.

Kaya dapat ipagbawal ang sub-con kung talagang nais ng gobyerno na maayos ang mga proyekto dahil sa ganitong sistema parang sinisindikato ng mga contractor at kanilang mga kasabwat sa gobyerno ang pondo ng bayan.

Sa imbestigasyon sa flood control projects, maraming natuklasan na proyekto na sinub-con ng nananalong kumpanya kaya lumalabas na kumita ang mga nanalo at mga kasabwat nang walang kahirap-hirap.

Kapag sumali ang isang kumpanya sa bidding, ibig sabihin kaya mong gawin ang proyektong pinanalunan mo pero kapag ipinapasa mo sa iba ang konstruksyon ay dapat red flag na iyan sa ahensya ng gobyerno.

Hindi ‘yan dapat payagan dahil ang motibo lang ng mga nananalong bidder ay kumita nang walang kahirap-hirap, kaya kailangang maging ito ay dapat ipagbawal ng mga ahensya ng gobyerno lalo na ang Department of Public Works and Highways (DPWH).

Maganda na maging ang mga farm to market roads ay sisilipin na rin dahil ginagamit ang mga proyektong ito para sa kapakinabangan ng mga kaalyado gayung para ito sa mga magsasaka para hindi sila mahirapan dapat.

May nakita kasi akong farm to market road na inilagay sa isang idle land o hindi puwedeng taniman at kokonti ang mga taong nakatira pero sa dulo ay nandun ang resort ng isang maimpluwensyang tao.

Noong wala pa ang farm to market road na ito, hindi patok ang resort dahil hindi sementado ang kalsada patungo sa kanila pero noong sinementuhan na gamit ang pera ng sambayanang Pilipino, ay dinarayo na.

Ganyan sinisindikato ang pondo ng bayan na dapat ding linisin at matigil na dahil hindi tayo nagbabayad ng buwis para sa pakinabangan ng iilang tao lamang kundi ng lahat ng mamamayang Pilipino.

15

Related posts

Leave a Comment