SUGAL ANG DAHILAN NG PAGPATAY CRIS BUNDUQUIN?

KAALAMAN Ni Mike Rosario

SADYANG pinatahimik daw ang ating kasamahan na si Cresenciano “Cris” Bunduquin, broadcaster ng radio station dwXR 101.7 Kalahi FM and online radio MUX, na pinagbabaril ng riding in tandem sa Calapan City sa Oriental Mindoro kamakailan.

Ayon sa ating natanggap na impormasyon, si Cris, kasama ng kanyang isang anak, habang nag-aayos ng kanilang tindahan sa C5 Road, Brgy. Sta. Isabel, Calapan City noong Mayo 31, 2023, nang may dumating na motorsiklo at bigla siyang pinagbabaril ng angkas nito.

Tinamaan ng mga bala mula sa caliber .45 na baril sa iba’t ibang parte ng katawan ni Cris na kanyang ikinamatay.

Matapos ang pamamaril ay tumakas ang mga suspek na hinabol ng mga awtoridad hanggang sa maaksidente sila na ikinamatay ng isa sa mga ito na kinilalang si Narciso Ignacio Guntan.

Nakatakas naman ang kasamahan nito na hanggang ngayon ay pinaghahanap pa ng mga awtoridad.

Sinasabi na ang dalawang suspek ay mga tauhan ng gambling lord at kamag-anak ng politiko sa Oriental Mindoro?

Matinding bumanat sa illegal na pasugalan itong si Cris sa kanyang programa sa radyo sa Calapan City, Oriental Mindoro na naging sanhi ng kanyang kamatayan.

Pero bago pinaslang si Cris, may kumausap sa kanya na pinatatahimik siya sa pagbanat sa mga pasugalan sa lugar, subalit hindi siya nagpatinag, naging tuloy-tuloy ang kanyang pagbubulgar hanggang sa pinatay siya.

Isa sa pinaghihinalaan na kasabwat ng mga suspek na pumatay kay Cris, ay isang police major sa Oriental Mindoro na inilipat na umano ng kanyang pwesto matapos ang pangyayari.

Sa ating pagkakaalam, mukhang patatahimikin o pinatahimik na itong isang suspek na nakatakas mula sa pamamaril kay Cris, para hindi na matukoy ang utak ng krimen.

Siyempre nga naman namatay na si Guntan, mawawala pa ang isang suspek, sino pa ngayon ang tutuga kung sino nag-utos sa kanila sa pagpatay kay Cris?

Natatanaw na natin ngayon na isa na naman ito na masasama sa hindi nareresolbang kaso ng pagpaslang sa mga miyembro ng media.

Hindi nagkamali ang nagbansag na ang Pilipinas ang pinakadelikadong lugar para sa mga miyembro media, dahil sa mga krimen na pagpatay sa mga kasapi ng “4th State” na hindi nabibigyan ng hustisya.

Tulad na lang halimbawa ang pagpatay kay Percy Lapid kamakailan habang pauwi siya sa Las Piñas City, na imbes na luminaw ang kaso ay tila lalo pang lumalabo.

Matapos na mailibing sina Cris Bunduquin at Percy Lapid ay tila unti-unti na namang naililibing o nagiging malabo nang mabibigyan pa ng hustisya ang kanilang pagkamatay.

Mailap ang hustisya sa mga media practitioner na pinapatay.

229

Related posts

Leave a Comment