QUEZON – Natagpuan ng mga awtoridad ang isang sugatang miyembro ng NPA makaraang iwanan ito ng kanyang mga kasama matapos ang pakikisagupa sa mga tropa ng gobyerno sa Brgy. San Roque Agro sa bayan ng Catanauan, sa lalawigang ito.
Nilapatan ng lunas ng mga tropa ng gobyerno si alyas Marco nang matagpuan ito noong nakaraang Linggo sa nabanggit na lugar.
Sinabi ni Captain Jayrald Ternio, tagapagsalita ng 2nd Infantry Division, kabilang si alyas Marco sa grupong nakasagupa ng militar sa Sitio Pung-Uy, Barangay Masaya noong Linggo.
“Ganun pala ‘pag wala nang halaga, iiwan na lang nila. Nangako silang babalikan ako, ilang araw na hindi naman sila bumalik,” pahayag ni alyas Marco.
Nitong nakalipas na Linggo, sunod-sunod ang naging bakbakan ng mga rebelde at militar na ikinamatay ng dalawang sundalo at dalawang NPA.
Dalawa rin ang naiulat na sugatang rebelde at nakarekober ng walong matataas na kalibre ng baril.
Ayon kay MGen. Greg Almerol, commander ng 2nd Infantry Division, “This development is proof that enemy or not, your soldiers will always be ready to extend help. We honor every human right and we believe our citizens were only deceived to become NPA members”.
Sa kasalukuyan, mahigpit ang pagbabantay sa mga lugar na maaaring daraanan ng tumakas na mga rebelde. (CYRILL QUILO)
184 