SUICIDE BOMBER, 2 PA NALAMBAT SA SULU

SULU – Nadakip ng mga tauhan ng AFP Western Mindanao Command ang isang babaeng international terrorist na naghahanda para sa isasagawang suicide bombing, kasama ng dalawa pang hinihinalang mga terorista sa lalawigang ito, nitong Sabado ng madaling araw.

Kinilala ni JTF Sulu Spokesperson, Lt. Col. Ronaldo Mateo ang nahuling umano’y suicide bomber na si Rezky Fantasya Rullie, alyas Cici, isang Indonesian suicide bomber.

Kasamang nahuli ang dalawa pang babae sa bahay na pag-aari ni Abu Sayyaf Group sub-leader Ben Tatoo.

Ayon sa ulat ng JTF Sulu sa Western Mindanao Command chief, bandang alas-1:30 ng madaling, sinalakay nila ang pinagkakanlungan ng babaeng Indonesian suicide bomber sa Barangay San Raymundo, sa bisa ng search warrant na inilabas ng Regional Trial Court ng Jolo, Sulu.

Nakuha sa pag-iingat ng arestadong terrorist suspects ang isang suicide vest na may nakasabit na pipe bombs at iba pang improvised explosive device (IED) components.

Kinilala ang dalawa pang nahuling babae na sina Inda Nurhaina, asawa ni ASG sub-leader Ben Tatoo, at Fatima Sandra Jimlani, asawa ni Jahid Jam, na isang ASG member.

Kasalukuyang nakakulong ang tatlong suspek sa Criminal Investigation and Detection Unit (CIDU) ng Sulu Police Provincial Office.

Ayon kay BGen. William N Gonzales, commander ng JTF Sulu, matagal na nilang tinutugis ang nasabing banyagang terorista matapos na makumpirmang isa ito sa suicide bombers na nakapasok sa bansa.

Ayon kay Gonzales, si Rullie ang pangunahing suspek na kabilang sa listahan ng mga terorista na nagbabalak maglunsad ng panibagong suicide bombing.

Ang asawa ni Rullie na si Andi Baso ay isa ring suicide bomber na napatay sa engkwentro laban sa mga Army Scout Ranger noong August 29, 2020.

Ayon naman kay Westmincom chief. Lt. Gen. Corleto Vinluan, ang pagkakaaresto kay Rullie ay patunay na hindi tumitigil ang security sector para maneyutralisa ang mga terorista na patuloy na naghahasik ng karahasan. (BONG PAULO)

147

Related posts

Leave a Comment