NITONG nakaraang Biyernes, ay nakatanggap kami ni katropang Alden Estolas ng report sa aming programang Bantay OFW sa DWDD 1134 KHz mula sa aming Qatar Correspondent na si Joseph Rivera.
Inihatid ni ka-tropang Joseph Rivera ang sumbong ng grupo ng mga kababaihan na nasa Qatar na biktima diumano ng Human Trafficking.
Ayon sa salayasay ng mga biktima na aking itatago sa mga pangalang Aida, Lorna, Fe, Magdalena, Janet at Alexis, sila ay nakarating sa bansang Qatar na hindi dumaan sa anumang legal na proseso sa Philippine Overseas Employment Adminsitration (POEA).
Diumano ay nakalabas sila sa Pilipinas bilang mga turista ngunit sila ay nagbayad ng kanilang placement fee sa pinangalanang Filipina na si Ayse Contreras na isa umanong Operations Manager ng Horse Group Co and Spotlight Galaxy na pagmamay-ari ni Amjad Jaber.
Diumano, imbes na company workers, ay pinagtrabaho ang ilan sa kanila bilang mga stay in Household service workers, cleaners, baby sitters, waitresses, Market sales ladies at iba ay cashiers.
Bukod sa maling trabaho na kanilang ginagampanan, sumbong din ng mga nasabing biktima ang pagkaltas ng mga hindi maipaliwanag na mga “salary deductions” kada araw ng sweldo.
Isinusumbong din ng mga biktima na sila ay pilit pa rin pinagta-trabaho kahit pa sila ay may mga taglay na karamdaman, at kung hindi sila papayag ay talagang sila ay tinatakot o hina-harass. At sa tuwing sila ay nagkakasakit ay sila pa rin ang nagbabayad sa doktor at gamot dahil hindi naman sila binibigyan ng Horse Group Co Spotlight Galaxy ng kanilang health card.
Mistula silang ginawang alipin ng nasabing kumpanya dahil maging ang kanilang overtime pay ay hindi naman binabayaran at hindi rin binibigyan ng rest day o day-off. Maging ang kanilang tinutuluyan na bahay o accommodation ay maiha hambing sa bahay ng isang alipin dahil sa ka-dugyotan nito na maging ang kanilang lalaking driver ay doon din nakatira kung kaya sila ay lubos na nababahala sa kanilang kaligtasan.
Maraming beses na rin nagsumite ng kanilang resignation letter ang mga nasabing biktima sa Horse Group Co and Spotlight Galaxy ngunit tila ito ay bumabagsak lamang sa basurahan dahil kahit minsan ay hindi sila kinausap o pinayagan.
Dahil sa sumbong na ito nina alyas Aida, Lorna, Fe, Magdalena, Janet at Alexis ay agad na dumulog ang AKO OFW at ang programang Bantay OFW kay Labor Attache David Des Dicang ng Philippine Overseas Labor Office sa Qatar upang bigyan ng tulong – legal ang mga nagsumbong na mga biktima.
Katulad ng inaasahan sa iniidolong labor attaché na si Davios Des Dicang, ay mabilis itong nagbigay ng tulong at agad-agad ay nakipag-ugnayan ito kay Ambassador Alan L. Timbayan ng Philippine Embassy sa Qatar at sa Ministry of Administration Development Labor and Social Affairs upang humingi ng tulong sa layuning masigurong mabibigyan ng agarang tulong ang nasabing mga biktima.
Sila rin ay humihingi ng tulong para sa kanilang seguridad dahil sa diumano ay masyadong maimpluwensiya ang mga may-ari ng Horse Group Co Spotlight Galaxy.
Ang nasabing sumbong at kaso na ito ay tutukan ng AKO OFW at ng Bantay OFW Radio upang masiguro na ang nabangit na mga biktima ay makakabalik sa Pilipinas na nasa mabuting kalagayan.
Sisikapin din ng AKO OFW at Bantay OFW Radio na lumapit sa mga kinauukulang ahensya ng gobyerno upang mabibigyan ng karampatang kaparusahan ang nambiktima sa kanila ..
oOo
Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.com o drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa (02)84254256.
