SUPLAY NG TUBIG PINATITIYAK

NABABAHALA si Sen. Grace Poe sa putul-putol na serbisyo ng tubig sa west service zone ng Metropolitan Waterworks and Sewerage System (MWSS), makaraang iulat sa kanyang opisina ng mga residente ang karanasan nila sa kawalan ng tubig sa loob ng diretsong 42 oras.

“Ang kakapusan ng tubig ang pinakahuling dapat nating harapin habang patuloy tayong kumakawala sa banta at epekto ng pandemya,” giit ni Poe.

Marami nang apektadong pamilya ang labis na nahihirapan sa madalas na pagkawala ng serbisyo ng tubig sa naturang zone na sakop ng Maynilad Water Services Inc. (Maynilad).

“Nananawagan kami sa Maynilad na tugunan ang sitwasyong ito at magtrabaho nang tuluy-tuloy para maibalik ang serbisyo ng tubig sa mga apektadong kabahayan,” saad ni Poe.

Nabatid na ilang residente na ang gumastos ng aabot sa P1,000 o higit pa sa regular na halaga ng kanilang bill sa tubig, para makabili nito na magkakasya lamang ng ilang araw.

“Sa ilalim ng revised concession agreements (RCA), ang mga concessionaire ay kailangang magkaroon ng alternatibong water supply tuwing may scheduled water interruption,” dagdag niya.

Kinilala ng senador ang pagkilos ng MWSS para pangalagaan ang kapakanan ng mga konsyumer, na minamandato ng charter nito.

“Inaasahan nating tutuparin ng mga concessionaire ang kanilang mga obligasyon, kung hindi ay magmumulta sila o mapapaso ang kanilang prangkisa,” ani Poe, na napapanahong inisponsor ang panibagong prangkisa ng Maynilad para magarantiyahan ang tuluy-tuloy na suplay ng tubig sa mga konsyumer.

Ang panibagong prangkisa ng Maynilad na sumasakop sa west service zone ay inaprubahan ng Kongreso at pinirmahan bilang batas ni Pangulong Duterte noong Disyembre 10, 2021.

Ang mga kostumer ng Maynilad sa mga siyudad ng Muntinlupa, Las Piñas, Parañaque, Pasay, Bacoor, Imus, Cavite, at sa mga bayan ng Noveleta at Rosario na sakop ng supply zone ng Maynilad Putatan Water Treatment Plant, ay nakararanas ng water interruption mula noong Disyembre 2021. (ESTONG REYES)

232

Related posts

Leave a Comment