NELSON S. BADILLA
INAKUSAHAN ng opisyal ng Filipino League of Advocates for Good Governance – Maharlika (FLAG – Maharlika) na ang suporta ng 100 dekano ng mga paaralan ng abogasyo at mga propesor dito na isang “cover-up” ang kanilang pagtatanggol sa mga ‘pagkakasala’ ni Supreme Court Associate Justice Marvic Leonen laban sa Saligang Batas at pagtatraydor sa tiwala ng mamamayan sa kanya.
Sabi ni Edwin Cordevilla, pangkalahatang-kalihim ng FLAG-Maharlka, ang pahayag ng grupo ay “blanket petition, an act of karuwagan [which they] did not even signed [as an] attempt at covering up misbehavior and mis-actions of Leonen”.
“Kawawa naman sila,” susog ni Cordevilla.
Hinamon din nito ang mga sumusuporta kay Leonen na lumantad at ihayag ang kanilang pagkakakilanlan o mga kinakatawang grupo at paaralan.
Mapapansin sa “beripikadong reklamong impeachment” na ang mga ebidensiyang inilatag ay mayroong nilabag na espesipikong probisyon sa Konstitusyong 1987.
Sa pagtukoy sa mga probisyon ng Saligang Batas kaugnay sa mga eksaktong kasalanan umano ni Leonen nakatuntong ang ikinaso ni Cordevilla na “culpable violation of the Constitution and betrayal of public trust”.
Binalewala ng 100 law deans at law professors ang reklamong impeachment ni Cordevilla.
Inihayag nila ang kanilang “collective support” kay Leonen dahil sa “unsubstantiated and groundless allegations” laban sa mahistrado.
“[The impeachment complaint] should be dismissed for utter lack of merit,” tindig ng mga dekano at abogado.
Inakusahan din nilang “palpable assault on judicial independence” ang ikinaso kay Leonen.
Nakasaad sa reklamo ni Cordevilla na ang hindi paghahain ni Leonen ng Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) ng labinlimang taon, o labinglimang beses, ay sadyang paglabag sa Seksyon 17, Artikulo XI ng Konstitusyong 1987.
Ang kaso naman hinggil sa hindi pagbibigay ng desisyon, o ponente, ni Leonen tungkol sa 82 kasong hawak niya ay pagsuway sa Seksyon 15, Artikulo VIII na nakaugnay sa Seksiyon 16, Artikulo III ng Konstitusyong 1987.
Kung hindi sadyang pagbalewala sa Konstitusyon ay dapat na naglabas na ng desisyon si Leonen sa 37 mga kasong “aging” mula sa 82.
Maging ang 34 protestang elektoral ng mga kongresista sa kanilang mga katunggali na hindi pa rin naaaksiyunan ng House of Representatives Electoral Tribunal (HRET) na pinamumunuan ni Leonen ay kasama rin sa mga asunto ng naturang mahistrado.
Ang aging cases ay mga kasong kumpleto na lahat ang mga kinakailangang dokumento, kabilang ang mga posisyon ng magkakatunggaling panig.
Alam ng mga abogado na ang reklamong impeachment laban sa itinuturing na “impeachable government officials” tulad ng mga mahistrado ng Korte Suprema ay hindi pag-atake, o paninira, sa mataas na korte dahil nakalagay ito sa mismong Konstitusyon.
Inilagay at tiniyak ito ng mga nagbalangkas ng Saligang Batas na maisama sa pundamental na batas ng Pilipinas upang magkaroon ng ‘instrumento’ ang mga pangkaraniwang tao na ipatanggal ang mga opisyal ng pamahalaan na walang karapatang manatili sa kanilang puwesto.
Idiniin din ni Cagayan de Oro Representative Rufus Rodriguez sa media na “tanging” sa impeachment tatanggalin ang mahistrado at hindi sa petisyong quo warranto.
Ito ay nakasaad sa Konstitusyon, pahayag ni Deputy Speaker Rodriguez na naging dekano ng School of Law ng San Sebastian College.
Inamin niya kamakailan sa media na sa 2021 matatalakay ang reklamong impeachment ng FLAG-Maharlika laban kay Leonen dahil magpapahinga ang mga kongresista at senador sa Disyembre 18.
