SUPPORTERS PINAAASA NG PRO-DUTERTE SENATORS

PINAAASA at pinalalakas lang ng mga kaalyado ni dating pangulong Rodrigo Duterte ang loob ng kanilang supporters na makauuwi ang kanilang lider na ngayon ay nakakulong sa The Hague, Netherlands dahil sa kasong crimes against humanity.

Ganito inilarawan ni ML party-list Rep. Leila de Lima ang resolusyon na inihain ni Sen. Robin Padilla para pabalikin sa Pilipinas si Duterte na sinuportahan nina Christopher “Bong” Go at Ronald “Bato” dela Rosa.

“Parang pinapalakas lang ang loob nung kanilang mga followers, nung kanilang mga supporters na huwag kayong mag-alala na baka pwede pa nating mapauwi ang dating pangulo,” pahayag ni De Lima sa panayam ng mga mamamahayag sa Kamara.

Ginawa ni Padilla ang resolusyon sa gitna ng mga ulat na buto’t balat na umano ang dating pangulo at nagbilin na rin sa kanyang anak na si Vice President Sara Duterte na kapag namatay siya ay ipa-cremate siya sa The Netherlands.

Bukod dito, layon umano ng resolusyon ni Padilla na magkaroon na ng pagkakaisa, pagrespeto sa soberanya ng bansa, at katarungan sa dating pangulo subalit sinabi ni De Lima na kahit pagtibayin ito ng Senado ay hindi nito maiipluwensyahan ang International Criminal Court (ICC).

Ganito rin ang opinyon ni Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon dahil wala sa kapangyarihan ng gobyerno ng Pilipinas ang desisyon kung pauuwiin o hindi ang dating pangulo na nakulong mula noong Marso 12, taong ito, isang araw matapos maaresto noong Marso 11.

(BERNARD TAGUINOD)

64

Related posts

Leave a Comment