SUSPEK TIMBOG SA CP NA IBINIGAY SA RAPE VICTIM

DAVAO CITY – Posibleng nataranta umano ang suspek makaraang gahasain ang isang 16-anyos na dalagita kaya hindi nito nai-log-out ang kanyang Facebook account sa cellphone na ibinigay niya sa biktima upang hindi siya isumbong sa mga awtoridad.

Bunsod nito, sa pamamagitan ng Facebook ay natunton ang kinaroroonan ng suspek na kinilalang si Richard Richie Segara at agad itong nadakip ng mga pulis.

Ayon sa ulat ng pulisya, nangyari ang insidente sa Barangay Leon Garcia, Davao City noong Biyernes ng gabi, Nobyembre 20.

Ipinakita mismo ni alyas Dondon, kapatid ng biktima, sa mga awtoridad ang cellphone ng suspek na nakalog-in pa sa kanyang Facebook account.

Ayon kay Dondon, nagtataka siya kung bakit biglang nagkaroon ng cellphone ang kanyang kapatid kaya agad itong inusisa.

Bunsod nito, napilitan ang biktima na ipagtapat na ibinigay sa kanya ng suspek ang cellphone nito upang hindi siya magsumbong at nagbanta pa umano na siya ay papatayin.

Inamin naman ng suspek na natukso siya sa dalagita kaya nagawa niya ang krimen.

Napag-alaman na nangyari ang insidente nang maabutan ng curfew ang biktima kaya nakipag-inuman kasama ang suspek.

Nang malasing ay dinala ng suspek ang biktima sa kanilang bahay at doon ginahasa. (DONDON DINOY)

95

Related posts

Leave a Comment