SUSPENDED LANG ANG VFA TERMINATION – MALAKANYANG

“NAPAKALALIM ng sagot ko dyan, I defer to SFA.”

Ito ang tugon ni Presidential spokesperson Harry Roque sa utos ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na suspendihin ang pagkalas ng Pilipinas mula sa Visiting Forces Agreement nito kasama ang US.

“Antayin nyo, bukas kami mag-uusap ni Presidente,” ayon kay Sec. Roque.

Inamin ni Sec. Roque na dalawang linggo na niyang alam ang usaping ito ngunit wala siyang narinig mula sa Chief Executive ukol dito.

“Alam mo, alam ko na yan two weeks ago, pero I did not hear it from the President’s mouth so, wala I don’t know anything as far as the President is concerned. So bukas magkikita kami. Pero for now ang sabi ni Secretary Locsin, siya lang muna ang pwede magsalita on the communique, eh di sya,” ayon kay Sec. Roque.

Sa ulat, sinabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr., nagpadala na siya ng diplomatic note noongJune 1, 2020 sa US Embassy at natanggap na anya ito ng Washington.

Ipinaliwanag sa diplomatic note na ginawa ng Pangulo ang nasabing hakbang bilang pagkonsidera sa mga political at iba pang developments sa rehiyon.

Nakasaad din sa diplomatic note na magiging epektibo ang suspensyon ng VFA termination sa loob ng anim na buwan, na pwedeng palawigin ng Pangulo ng karagdagang anim na buwan.

Pagkatapos nito ay babalik ang termination process, base sa February note verbale.

Base sa note verbale noong February 11, 2020 ay opisyal na magiging epektibo ang VFA termination pagkatapos ng 180 araw mula sa panahon na natanggap ng US government ang notice. CHRISTIAN DALE

128

Related posts

Leave a Comment