NAGPAHAYAG ng pagkadismaya ang kinatawan ng mga guro sa Kongreso dahil imbes na dagdag sahod ang ibigay sa mga ito ng Department of Education (DepEd) ay sinagot ito ng ahensya ng 15/30 salary scheme.
Nangangahulugan na tuwing kinsenas at katapusan na ire-release ang sahod ng public school teachers mula sa kasalukuyang sistema na isang bigayan lang kada buwan.
“Our public school teachers need a substantial salary increase, not another scheme that would simply cut the release of their salaries in half,” ani ACT Party-list Rep. France Castro.
Ayon sa mambabatas, hindi kinonsulta ng DepEd ang mga grupo sa sistema ng pagpapasahod sa mga ito kaya marami umano ang nababahala na maapektuhan ang kanilang loan payment.
“Marami sa mga teachers natin ang mayroong mga loan na maaapektuhan ang kanilang mga loan payment at iba pang mga obligations dahil sa pagbago ng release ng kanilang sweldo. Kapag na-delay lang sila sa pagbayad, magkakaroon pa sila ng penalty,” paliwanag pa ng lady solon.
Maging ang mga non-teaching personnel ay hindi umano pabor sa bagong sistema ng pagpapasahod sa mga guro sa usapin ng logistics kaya posibleng magkaroon ng delay sa payroll kapag nagkataon.
Dahil dito, hinihiling umano ng public school teachers na suspendihin ang 15/30 salary scheme at sa halip ay ibigay muna ang karagdagang sahod na hinihingi ang mga ito.
“Tumaas na ang presyo ng langis, galunggong at iba pang mga pangunahing bilihin. Kailan na ang pangakong substantial na taas sweldo ng mga guro at kawani?” tanong pa ni Castro. (BERNARD TAGUINOD)
597 