TAG CARGO CONTAINERS MAILALABAS NA SA WAKAS!

RAPIDO NI PATRICK TULFO

MALAPIT na ang pagtatapos ng mga reklamong inilapit sa aming programang Rapido Ni Patrick Tulfo, ng daan-daang OFWs mula Kuwait na nabiktima ng isang cargo company sa naturang bansa.

Sa aking panayam kahapon kay BOC Asst. Commissioner Vince Maronilla sa aking programa na may kapareho ring titulo na umeere sa istasyong DZME 1530 khz, sinabi nito na napirmahan na ang “Deed of Donation” ni Sec. Ralph Recto ng Department of Finance, at naibalik na sa Bureau of Customs. Ito raw ay kanila nang ipadadala sa Department of Migrant Workers (DMW) para masimulan na ang paglalabas ng containers na nakatengga sa Manila Port at Davao Port.

Nauna na naming naiulat na sa aming pakikipag-ugnayan sa DMW sa pamamagitan ni Dir. Jun Aguilar, sinabi nito na gusto nila na i-deliver na lang ang mga kahon sa mga may-ari nito, kaysa ipakuha ang mga ito na maaaring maging magulo at maging sakit ng kanilang ulo.

Hindi rin po ako sang-ayon sa pick-up system na gustong gamitin ng BOC, dahil naging magulo ito at maraming nawalang mga kahon nang gawin ito sa Allwin boxes mula sa Dubai, UAE noong 2023.

May kabuuang 25 containers ang ilalabas mula sa Davao Port at Manila Port na galing Kuwait, na inabandona ng nagpadala dito na Tag Cargo na pag-aari raw ng isang Marilyn Canta. Si Canta ay kasalukuyang nagtatago raw ngayon diyan sa bansang Kuwait.

Ang Tri-Star cargo naman na local partner ng Tag Cargo, ay napilitang abandonahin ang containers kasama na ang MBS Cargo, matapos na hindi sila bayaran ng Tag Cargo at umabot ng milyong piso ang utang nito sa kanila.

Abangan ang aming pagtugaygay sa paglalabas ng containers na ito at maging ang delivery sa recipients sa darating na mga araw.

241

Related posts

Leave a Comment