SINUSPINDE ng City of Taguig si Barangay Kagawad Apolonio Kibral Fulo, Jr. ng Barangay Pinagsama matapos masangkot sa kasong Acts of Lasciviousness, Grave Misconduct, at Immoral Acts.
Bukod sa pagiging kagawad, si Fulo ay kilala ring malapit na supporter at bodyguard umano ni Congresswoman Pammy Zamora ng District 2.
Batay sa reklamo, naganap ang insidente noong Abril 6, 2024, alas-1:40 ng madaling araw sa isang hotel sa Cebu City kung saan dumalo sa opisyal na seminar ang biktimang babae at iba pang opisyal ng barangay. Sa gitna ng pagtulog katabi ang iba pa nilang kasamahang opisyales, bigla umanong kinuha ni Fulo ang kamay ng biktima, hinalikan ito, saka ipinasok ang kanyang kamay sa loob ng damit at hinawakan ang dibdib ng biktima.
Gulat at takot, agad bumangon ang biktima, sinigawan si Fulo, at mabilis na lumabas ng kwarto. Bagamat labis na na-trauma, nakahanap ng lakas ng loob ang biktima at ibinahagi ang nangyari sa isang kasamahan kinabukasan.
Sa imbestigasyon, lumabas din na nagpadala pa ng text si Fulo sa biktima matapos ang insidente, at nag-alok pa umano si Fulo ng pera sa biktima para huwag nang magsampa ng kaso—isang hakbang na lalo pang nagpalakas ng ebidensiya laban sa kanya.
Dahil sa bigat ng mga alegasyon, inirekomenda ng Sangguniang Panlungsod ng Taguig ang 60-araw na preventive suspension upang maiwasan ang pananakot sa mga testigo at matiyak ang patas na imbestigasyon.
Pinirmahan ni Mayor Lani Cayetano ang kautusan noong Pebrero 5, 2025, matapos pahintulutan ng Comelec, na nag-alis kay Fulo sa kanyang tungkulin bilang kagawad habang iniimbestigahan ang kaso.
Itinanggi naman ni Fulo ang mga paratang at iginiit na wala siyang ginawang masama.
Gayunman, ayon sa imbestigasyon ng konseho, may sapat na ebidensya laban sa kanya, kabilang ang testimonya ng isang saksi na nagsabing inamin umano ni Fulo ang ginawa at sinabing handa siyang bayaran ang biktima kapalit ng kanyang katahimikan.
16