Tagumpay sa Tokyo, utang sa mga atleta

SALAMAT sa mga Pilipinong atleta naging matagumpay ang Pilipinas sa katatapos lang na XXXII Games of the Olympiad. Kabayanihang nagtampok na naman sa ating bansa at mga Pinoy sa buong daigdig, sa gitna ng mahigit isang taon nang COVID-19 pandemic.

Saludo ang SAKSI NGAYON SPORTS kina weightlifter Hidilyn Diaz, ang nagbigay ng kauna-unahang Olympic gold medal sa Pilipinas, at mga boksingerong sina Nesthy Petecio at Carlo Paalam, kapwa silver medalist, at bronze medalist Eumir Marcial, maging sa iba pang miyembro ng 19-atletang Pambansang Delegasyon. Na sa kabila ng kasalatan sa paghahanda dala ng pandemya ay nagpakita ng walang kapantay na pagmamahal sa bayan na naging pangunahing sandata para matupad ang 97 taong pangarap ng bansa para sa kauna-unahang gintong medalya sa Olimpiyada.

Sabi nga ni Hidilyn matapos niyang makamit ang gintong medalya: “Para sa bayan ito. Mahal naming mga atleta ang Pilipinas at kung anuman ang mga nangyari na at magaganap pa, utang ito sa dedikasyon at determinasyon ng mga atleta na manalo.”

xXx

Dahil tapos na ang Olympics, tiyak na sunod na pag-uusapan ng sambayanan ang darating na laban ng ating idolo na si Manny Pacquiao, ang kaisa-isang boksingerong may hawak ng ‘di kukulangin sa 12 kampeonato sa mundo at walong ­titulo sa magkakaibang dibisyon mula noong ­unang lumaban sa Amerika noong 2001.

Nakatakda ang pakikipagharap ng ngayon ay senador nang si Manny sa Agosto 21 sa Las Vegas kontra sa wala pang talong Amerikano na si Errol Spence Jr.

Dalawang linggo bago ang kanilang pagtutuos, nakakuha na agad ng round ang una sa pasiya ng korte na itapon ang kasong iniharap laban sa kanya ng Paradigm Sports Management sa layong pigilan ang naturang laban.

“Tuloy ang laban!”

Ito ay matapos ibasura ng Superior Court of California sa Orange County ang kasong isinampa ng Paradigm Sports para pigilan ang Pacquiao-Spence para sa welterweight title ng WBC at IBF na parehong hawak ni Spence.

Bukod sa paghahanda laban kay Spence, si Pacquiao ay may isa pang pinaghahandaan at ito ang potensiyal na pagtakbo niya sa Panguluhan ng bansa.

Ang pakikipagtuos niya kay Spence, ayon sa marami, ay maaaring huli na niya sa maalamat na 27 taong kasaysayan bilang mandirigma sa ring na naghatid sa kanya ng panalo kontra future Hall of Famer Oscar De La Hoya, Miguel Cotto, Antonio Margarito, Marco Antonio Barrera, Juan Manuel Marquez at Erik Morales. Natalo siya kay Floyd Mayweather noong 2015, ngunit panalo pa rin kung pagbabasehan ang malaking kinita niya rito. Huling lumaban si Pacman noong Hulyo 2019 nang ginapi niya ang noo’y wala pang talong si Keith Thurman via split decision.

Si Pacquiao, No. 3 welterweight ng ESPN, ay kasalukuyang naghahanda sa Los Angeles sa pamamahala ni Hall of Fame trainer Freddie Roach. Kung paniniwalaan ang kanyang conditioning coach na si Justin Fortune, mararating na niya ang tuktok ng kanyang kondisyon makaraan ang siyam hanggang 10 araw.

Sa napakarami na niyang karangalang natamo, ang pagiging unified champion sa isang dibisyon ay hindi pa niya nararating, ngunit ­posibleng makamit laban kay Spence. Tatlong beses na siyang nagkaroon ng pagkakataong mapag-isa ang kampeonato sa tatlong dibisyon pero sa huli ay bigo siyang magawa ito.

Una, sa IBF at WBO 122 librang titulo na hawak noong 2001 ni Agapito Sanchez ng Dominican Republic na natapos sa tabla. Sunod ay noong 2004 para sa WBA at IBF championship ng ­featherweight laban kay Juan Manuel Marquez na tabla rin ang naging resulta. At pangatlo, noong Mayo 2, 2015 para sa korona ng 147 libra ng Ring Magazine lineal WBA, WBC, at WBO ni Mayweather.

Kaya masasabing walang intensyon ang ating Pambansang Kamao na matalo laban kay Spence.

“I got a lot of satisfaction beating Matthysse, Broner, and Thurman in a 12-month period, becoming the oldest man to win a welterweight title,” ani Pacquiao sa isang interview noong Hulyo. “Beating Errol Spence would be very special to me for all the obvious reasons and could elevate me into the discussion of being among the all-time greats in the sport.”

“I want to win and show everyone I can still compete at the highest level. Errol Spence is not just one of the best welterweights, he is one of the best fighters. He is young, undefeated, and a world champion. He also wants to knock my head off. That is all the motivation I need,” sabi pa ni Pacquiao.

113

Related posts

Leave a Comment