NAGING daan ang pagdinig ng Tri-Committee hinggil sa fake news at misinformation sa social media sa komprontasyon nina SAGIP party-list Rep. Rodante Marcoleta at Philippine Coast Guard (PCG) Spokesman Commodore Jay Tarriela hinggil sa West Philippine Sea (WPS).
Kasama si Tarriela sa inimbitahan ng komite sa kanilang imbestigasyon na tila sinamantala ni Marcoleta para komprontahin ang una hinggil sa pagtawag umano nito sa kanya bilang “traitor” o traydor.
“You just called me traitor sir,” bungad ni Marcoleta kung saan idinagdag nito na nasa social media umano ang komentong ito ng opisyal matapos nitong sabihin sa unang pagdinig ng komite noong Pebrero 4, 2025 na “kathang isip lang ng Pilipinas ang pangalang West Philippine Sea”.
“To Honorable Marcoleta sir, lets put in record that I did used the word traitor in describing your statement that the West Philippine Sea ay kathang-isip lamang po,” ani Tarriela.
Itinanggi ni Marcoleta na sinabi nito na kathang-isip ang WPS kaya kinompronta nito si Tarriela na inilabas lang nito ang statement ni Marcos sa kanyang huling State of the Nation Address (SONA) nang sabihin sa huling pagdinig ng komite na “there is no such things as West Philippine Sea”.
Sa paliwanag ni Marcoleta, hindi pa nairerehistro ng Pilipinas ang WPS sa International Hydrographic Organization (IHO) kaya hindi pa ito kinikilala ng mundo kahit batas na ito sa bansa. (PRIMITIVO MAKILING)
