TALINONG MARCOS SOLUSYON SA KRISIS SA BANSA

BISTADOR Ni RUDY SIM

MAHALAGA ang mga natutunan sa kanyang kabataan ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. sa ama nitong si dating Pangulong Ferdinand E. Marcos Sr. kung paano nito natugunan at nasolusyunan ang pandaigdigang krisis sa produktong petrolyo noong 1973 dahil sa ginawang pagpigil noon ng Organization of the Petroleum Exporting Countries (OPEC) sa mga bansang sumusuporta sa Israel kabilang na ang bansang US, sa kasagsagan ng Yom Kippur War o mas kilala sa Ramadan War na nagsimula noong October 1973 kung saan ay pumalo ng apat na beses ang naging pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Dahil sa ilang buwan nang sigalot sa nangyayaring digmaan sa pagitan ng bansang Russia at Ukraine ay muling dumaranas ngayon ang buong mundo ng hindi maawat na pagtaas ng presyo ng langis at isa na ang ating bansa sa mga matinding apektado ng krisis at marami sa ating mga kababayang tsuper ngayon ang tiniis munang igarahe ang kanilang pampasadang sasakyan dahil sa halos abunado pa ang mga ito at wala nang maiuwing kita para sa kanilang pamilya.

Hindi pa man pormal na nakakaupo si PBBM bilang susunod na pangulo ng bansa ay naging abala na ito kasama si ­incoming Executive Secretary Atty. Vic Rodriguez sa pakikipagpulong sa mga ambassador at iba’t ibang lider ng bansa na pinagmumulan ng oil products partikular ang OPEC, upang mapakiusapan ang mga ito na tayo’y mapagbigyan munang matulungan ang ating mga kababayan na makahinga sa matinding krisis na hinaharap.

Ayon kay PBBM, gagamitin niya umano ang naging taktika ng kanyang ama noong kapanahunan nito sa pakikipagnegosasyon sa mga kapanalig na bansa na naging epektibo, at ang pagkakaisa ang siyang susi upang matulungan ang sambayanan na maiahon sa kaliwa’t kanang kinahaharap nating pagdurusa mula pa noong magsimula ang pandemya na marami sa ating mga kababayan ang naghirap at nawalan ng hanapbuhay.

Isa sa mga tinitingnan din ni PBBM ay ang mapababa ang singil sa kuryente at tapyasan ang 12 percent VAT generation charge at ang kunan ng buwis ay ang
distribution charge. Maging ang muling pagbuhay sa naging proyekto noon ng kanyang ama na Bataan Nuclear Power Plant na isa sa makatutulong sa pagkakaroon ng malinis at murang pinagkukunan ng enerhiya para sa bansa at makatutulong na muling umangat ang ating ekonomiya.

Bago pa man pumanaw ang dating Pangulong Marcos Sr. sa Hawaii ay pinakiusapan pa nito si Cory Aquino na ipagpatuloy ang kanyang naiwang proyekto upang pakinabangan ng sambayanang Pilipino na mabawasan ang pagbili natin ng imported oils ngunit ito’y binalewala ni Cory dahil lalabas ang totoong kuwento na itinago sa pahina ng ating kasaysayan na marami sa naging proyekto ni Marcos Sr. ang patuloy na pinakikinabangan sa bansa.

(ANG mga ipinapahayag sa kolum na ito ay ­sariling opinyon ng sumulat at hindi ­saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)

176

Related posts

Leave a Comment