TALO NA TAYO SA PLASTIC

AMINADO ang Department of Environment and Natural Resources (DENR) na hindi nananaig ang bansa laban sa single-use plastics.

Ayon kay Environment Secretary Maria Antonia Yulo-Loyzaga, ang isang araw na basurang nalilikha ay tumaas sa 61,000 metric tons mula sa 16,000 MT noong 2016.

Batay sa pinakahuling datos ng DENR-Environmental Management Bureau data, halos 12 percent o 7,090 MT ng kabuuang basura kada araw ay plastik.

Nahihirapan silang makahanap ng ipapalit sa plastik dahil sa tibay ng single-use plastics at presyo.

Ano ang pagsasaliksik na ginagawa ng DENR upang matukoy ang tamang produkto na ipapalit sa single-use plastics? Habang wala pa, hahayaan na lang na manatili ang problema?

Ang hamon sa paghahanap ng pamalit ay hindi lamang dapat iaasa sa akademya at gobyerno, kailangan na nilang kalampagin ang mga gumagawa ng produkto.

Pairalin at bigyan ng tapang ang Republic Act 11898 o Extended Producer Responsibility Act of 2022.

Ang isyung panlipunan sa paggamit ng single-use plastics ay nakaaalarma kaya ang aksyon ng pamahalaan ay sinsero at hindi kaplastikan.

Responsibilidad ng DENR na pangalagaan, pangasiwaan at isulong ang environment at natural resources ng bansa, at sa obligasyong ito dapat itutok ang mga hakbang nang malapatan ng solusyon ang nakatatakot na kahihinatnan ng pagpapabaya.

Nakalalason ang plastic pollution.

Ang paggamit ng mga produkto sa mundo ay mahalaga sa buhay, ngunit ito ay may kasunod na basura at ang hindi tamang pangangasiwa at pagdispatsa sa mga basura ay may nakalalasong epekto.

Hindi tamang magbulag-bulagan at isipin na wala nang magagawa. May mga praktikal na paraan para labanan ang pollution na dulot ng plastic.

Lahat ng ginagawa natin ay may epekto at koneksyon sa kalikasan.

Bawasan at iwasan ang paggamit ng single-use plastic.

Protektahan ang kinabukasan sa nakalalasong epekto ng plastic.

Baka dumating ang panahon na mas marami ang plastik kesa isda sa dagat.

Mahalagang aspeto ng buhay ang mga ginagamit, kinakain at iba pang bagay na pinakikinabangan, ngunit may kasama masamang epekto sa kalusugan at ekosistema.

Unahin ang malusog na kinabukasan, at bigyan ng proteksyon ang saribuhay.

Nakaaalarma ang mga panawagan, ulat at nakatatakot na reaksyon kaya dapat isulong ang sama-samang aksyon.

348

Related posts

Leave a Comment