GEN Z TALKS
TAG-ULAN na naman, at gaya ng dati, kailangan na naman nating maging ‘matatag’ dahil wala namang ibang aasahan. Baha sa kalsada, stranded na commuters, walang kuryente, at mga batang lumalangoy sa putik habang may caption sa Facebook: “Tunay na matatag ang mga Pilipino.” Teka, kailan ba naging masaya ang maglakad sa baha papunta sa trabaho? Kailan naging cute ang kumain ng sardinas habang nakatuntong sa bubong?
Resiliency ang palaging bida sa balita at social media. Pero minsan naiisip ko, hindi ba dapat nakahihiya na ito ang paulit-ulit nating sinasandigan? Hindi ba ito ang malinaw na ebidensya na may problema sa sistema?
Ang daming tao ang napipilitang ngumiti kahit binaha na ang bahay nila. Sinasabing “Pinoy nga naman, kahit anong pagsubok, kayang lagpasan.” Pero ang totoo, wala silang choice. Hindi ito tapang. Hindi ito kagustuhan. Kundi dahil walang ibang opsyon. At habang ang mga tao ay pilit na nagsasaya sa gitna ng sakuna, ‘yung mga dapat tumulong, kalmado lang. ‘Yung mga may kapangyarihan, para bang normal lang ang lahat.
Ang nakatatawa pero nakaiiyak, ‘yung mga opisyal pa minsan ang unang gumagamit ng salitang “resilience” para hindi pag-usapan ang tunay na isyu. Baha? Natural disaster ‘yan. Traffic? Wala tayong magagawa. Kulang sa tulong? Wala sa budget. Pero teka, bakit ang daming budget sa motorcade, tarp, at bagong SUV? Bakit ang bilis magpa-picture habang namimigay ng relief goods pero ang bagal gumawa ng drainage system?
Hindi pwedeng resiliency na lang palagi ang sagot. Lalo na kung paulit-ulit naman ang problema. Paano mo masasabi na “resilient” ang isang komunidad kung taon-taon, kailangan nilang magsimula ulit? Kung taon-taon, nawawala ang mga gamit, bahay, at kabuhayan nila?
Resilience ang ginagamit para takpan ang katamaran at kabobohan ng mga nasa pwesto. Ginagamit ito para ikubli ang kawalan ng maayos na plano, ng tamang pondo, at ng totoong malasakit. At habang nakatingala ang ilan sa “matatapang” nating mga kababayan, may mga pulitikong nakangiti sa likod, secure ang posisyon, at tuloy ang kita.
Ang dapat sana, hindi tayo napipilitang maging matatag sa gitna ng kapabayaan. Ang tunay na pamahalaan, pinoprotektahan ang mga tao bago pa man tumama ang sakuna. Hindi sila naglalabas ng statement pagkatapos ng bagyo. Hindi sila nagpapakitang-tao lang sa gitna ng krisis. At siguradong hindi sila pwedeng matawag na bayani kung sila rin ang dahilan kung bakit laging may sakuna.
Corruption ang ugat ng lahat ng ito. Kaya may mga sirang kanal. Kaya may mga proyektong puro simula pero walang matapos. Kaya laging kulang ang evacuation centers. Kaya ang disaster response, palaging huli. Ang korupsyon ang dahilan kung bakit kailangan nating palakpakan ang mga taong nabuhay matapos ang baha. Dahil kung walang magnanakaw, baka hindi na nila kailangang lumangoy sa putikan.
Ang pagiging matatag ay hindi dapat maging excuse. Hindi ito pantakip sa kawalan ng sistema. Hindi ito dapat ginagamit para gawing normal ang paghihirap. Dahil kung lagi nating tinatanggap ang hirap na may ngiti, sinasabi natin sa gobyerno: Ayos lang. Pero hindi okay. At hindi dapat okay.
Tama na ang pagpili sa mga lider na puro palusot. ‘Yung nagtatago sa likod ng ngiti at slogan habang ninanakawan ang mga tao ng karapatan at dignidad. Sana sa susunod na tag-ulan, hindi na sa pagiging resilience ang kwento natin. Sana sa serbisyo. Sana sa hustisya. At sana sa totoong pagbabago.
