TAMA SI CHIZ NA ‘DI PWEDE ‘FAST BREAK’ SA IMPEACHMENT

CLICKBAIT ni Jo Barlizo

SA panahon ngayon, parang lahat gusto ‘yung madalian. Parang kape na pwede na ang instant. Andyan ang instant justice, instant accountability, instant trending. Pero may ilang bagay na hindi puwedeng i–rush kahit gaano pa kainit ang emosyon, tulad na lang ng impeachment.

Sa inilabas na desisyon ng Korte Suprema kamakailan lang, tinuldukan na nito ang usapin sa impeachment laban kay Vice President Sara Duterte.

So, tama pala ang paninindigan ni Sen. Chiz Escudero sa pagtutol sa minadaling impeachment laban sa Bise.

Hindi ito usapin ng kakampi o kaaway. Hindi rin ito simpleng “kanino ka ba?” Ang punto ni Escudero noon pa man ay kahit pulitikal ang impeachment, hindi ito puwedeng lumagpas sa Konstitusyon. Period. Walang shortcut.

At ngayon, malinaw na kinatigan siya ng Korte Suprema.

Sa desisyon ng Kataas-taasang Hukuman, binigyang-diin na hindi sapat ang dami ng pirma o ang sinasabing lakas ng panawagan upang isantabi ang proseso. May mga patakarang kailangang sundin sa impeachment proceedings tulad ng session-day rules, referral requirements, at ang one-year bar. Ito mismo ang matagal nang iginigiit ni Escudero.

Ayon sa Konstitusyon, kapag may impeachment na nauna nang itinuturing na initiated, hindi na maaaring magsampa ng panibagong impeachment sa loob ng isang taon. Hindi ito interpretasyon lamang kundi klarong probisyon ng Saligang Batas. Ito rin ang tinutukoy ni Escudero noong itinutulak ng House leadership, sa pangunguna ni dating Speaker Martin Romualdez, ang impeachment laban kay VP Sara.

Ipinunto rin ng Korte Suprema na kahit sa 1/3 signature route, hindi nawawala ang bisa ng Rules on Impeachment. Hindi sapat ang numero para balewalain ang proseso. Kailangang sundin ng Kamara ang sarili nitong mga alituntunin at hindi maaaring ibasura ang due process.

Mahalagang tandaan na kahit sa impeachment, may due process. Hindi ito mob rule at hindi rin ito trial by publicity. May pamantayan ng katarungan at hindi maaaring idaan sa emosyon o galit. Ito ang dahilan kung bakit nanindigan si Escudero kahit pa siya ay batikusin ng magkabilang panig.

Ang proseso ay hindi sagabal kundi proteksyon. Ito ang dahilan kung bakit may hangganan ang kapangyarihan ng Kamara. At ngayon, nakikita natin na ang naging paninindigan ni Escudero noon ay kaayon ng mismong interpretasyon ng Korte Suprema ngayon.

33

Related posts

Leave a Comment