HINIHINALANG may kinalaman sa ilegal na droga ang pananambang sa isang 23-anyos na tambay ng riding in tandem sa New Panaderos Street, Barangay 888, Sta. Ana, Manila noong Miyerkoles ng gabi.
Kinilala ang biktimang si March Vincent Sanchez, binata, ng nasabing lugar. Mabilis namang tumakas ang dalawang suspek na lulan ng motorsiklo.
Base sa ulat na isinumite ni Det. Arvy Macarasig kay Police Captain Dennis Turla, hepe ng Manila Police District – Homicide Section, bandang alas-10:00 ng gabi nang pagbabarilin ng mga suspek ang biktima sa nabanggit na lugar.
Ayon sa isang saksi, habang nakikipag-inuman ang biktima ay may kausap ito sa mobile phone. Ngunit bigla na lamang sumulpot ang mga suspek at pinagbabaril ang biktima.
Isinugod ang biktima sa Sta. Ana Hospital ngunit idineklarang dead on Arrival ni Dr. Mark Gabriel Galvez.
Hinihinalang may kinalaman sa ilegal na droga ang insidente dahil kalalaya pa lamang ng biktima dahil sa drug case.
(RENE CRISOSTOMO)
