CAVITE – Kapwa binawian ng buhay ang riding in tandem makaraang salpukin ng dump truck ang kanilang motorsiklo nang magpang-abot sa bahagi ng Crossing Junction ng Trece Martires City nitong Huwebes ng madaling araw.
Isinugod sa Gen. Trias General Hospital sina Kent Brian Ignacio, 25, driver ng motorsiklo, at Mark Anthony Colong, 25, ngunit kapwa hindi umabot nang buhay.
Habang kinilala ang driver ng dump truck na si Edison Estabillo, 38-anyos.
Ayon sa ulat ni P/SMSgt. Richard Chavez ng Trece Martires City Police, dakong alas-3:15 ng madaling araw nang mangyari ang insidente habang binabagtas ng mga biktima ang direksyon ng Tanza galing sa Indang at minamaneho naman ni Estabillo ang dump truck patungo sa direksyon ng Naic galing ng Gen. Trias City.
Ngunit pagsapit sa Crossing Junction sa Brgy. San Agustin ng Gen. Trias City nang masagi ng harapang kaliwang bumber ng dump truck ang kanang bahagi ng motorsiklo.
Pagkaraan ay nakaladkad ang motorsiklo ng ilang metro na naging dahilan ng matinding pinsala sa katawan ng mga biktima.
Mabilis silang isinugod sa pagamutan ngunit kapwa idineklarang dead on arrival habang hawak na ng pulisya ang driver ng dump truck. (SIGFRED ADSUARA)
