BAGO pa magpandemic ng COVID-19, ito na ang slogan ni Caloocan City Mayor Oscar “Oca” Malapitan: “Tao Ang Una”.
Pero, pagdating ng COVID-19 ay nag-iba ang ihip ng hangin.
Mula sa “Tao Ang Una” sa slogan ng ‘di malapitan… este ni Malapitan ay naging “Tao Ko Ang Una” ngayon sa bakunahan.
Anyare meyor?
Sa vaccination sites kasi ng Caloocan City ay naging palakasan.
Tulad na lamang sa Caloocan City Complex mass vaccination site nitong mga nakalipas na araw, kapag wala kang kakilalang barangay at Caloocan City officials ay napakahigpit nilang magbusisi ng requirements.
Pero, kung ikaw naman ay kanilang kakilala, mas mabilis pa sa alas-4 ang kanilang pagbabakuna.
Ganyan sila, tao nila ang inuuna sa bakunahan bago ang iba.
Nagsumbong sa PUNA ang isang essential worker na nagtungo sa Caloocan City Complex site para magpabakuna.
Dismayado siyang umuwi nang hindi siya nabakunahan dahil napakahaba raw ng pila.
Ang nangyari raw ay nang makarating siya sa finish line ay bigla siyang hinanapan ng indigency certification mula sa Brgy. 171 Bagumbong.
Kaya, kawawa ang mama.
Nangangamba siya ngayon na kapitan siya ng COVID-19.
Ang kumausap daw sa kanya ay isang tauhan ng Barangay 171 Bagumbong.
Bukod sa indigency certification ang hinanap sa kanya, sinabihan raw siya nito na puno na raw ang slot, kaya hindi na siya matuturukan.
Pagtalikod niya ay may nakita siyang dumating na anim na katao na kakilala raw ng barangay na agad nila pinabakunahan kahit na wala silang dalang mga requirement.
Bago kasi tanggapin ng mga nagbabantay sa Caloocan City Complex vaccination site ang mga gustong magpakuna ay hihiningian pa nila ng indigency certification mula sa kanilang barangay para maisama sa A5 category group na babakunahan.
Ganun din sa ibang vaccination sites ng Caloocan City.
Hinihingian din ang mga gustong magpakuna ng certification of indigency para sa A5 category group, reseta naman ang hinihingi sa mga kabilang sa comorbidity group at ID naman para sa mga A4 priority group.
Pahirapan din ang online scheduling para sa pagpapabakuna sa Caloocan City.
Kaya, dismayado ang marami na magpapabakuna sa Caloocan City dahil wala raw sa ayos ang mga namumuno nito.
Base sa nakuha nating data as of June 3, ang nababakunahan pa lang sa Caloocan City ay ang A1 group na 1st Dose na 7, 052; 2nd Dose ay 2,012; A2 group ay 42,645; 2nd Dose ay 12,670; A3 group, 1st Dose: 103,385, 2nd Dose 25, 813; A4 group, 1st Dose, 100, 2nd Dose ay 30.
Hindi pa rito naisama ang A5 group (Indigent) na pinakamaraming sektor na babakunahan.
Ang kabuuan ay 153,182 ang nabakunahan sa 1st Dose at may kabuuang 40,525 para sa 2nd Dose ang mga residente ng Caloocan na nabakunahan.
Kung ganito ang sistema ng lokal na pamahalaan na ito sa pagbakuna, kailan pa kaya magkakaroon ng herd immunity ang kanilang mamamayan?
Ay naku!
Isip-isip din kayo ‘pag may time.
‘Wag n’yo ipagdamot ‘yang mga bakuna dahil hindi n’yo naman magagamit ‘yan kapag nakadalawang beses na kayong naturukan.
Maliban lang kung inyong ibebenta ang mga ‘yan sa hindi pa napabakunahan.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email joel2amongo@yahoo.com o kaya magtext sa 0919-259-5907.
180
