PUMANAW na ang kinatawan ng unang distrito ng Tarlac na si Rep. Carlos “Charlie” Cojuangco.
Ito ang inanunsyo ng kanyang misis na si China Jocson sa social media kahapon.
“It is with a heavy heart that we regret to inform you that my husband, Claudia and Jaime’s father, Carlos ‘Charlie’ Cojuangco, has passed away. Details of the wake and interment to follow,” ani Jocson.
Si Jocson ay ikinasal sa 58-anyos na si Cojuangco noong Oktubre 10, 2021 at bago ito ay naghain muna siya ng kanyang certificate of candidacy (COC) para sa ikatlo at huling termino nito bilang kinatawan ng unang distrito ng Tarlac.
Sumali ang mambabatas sa car race sa Clark International Speedway sa Pampanga, noong Oktubre 26, 2021 kung saan nakaranas umano ng aneurysm sa kanyang utak sa gitna ng karera na naging dahilan para ito madigrasya.
Mula noon ay wala nang balita sa mambabatas na pinaniniwalaang nagpapagaling sa isang pagamutan sa Taguig City at kahapon ay kinumpirma ni Jocson ang pagpanaw ng kanyang mister.
Ang mambabatas ay bunsong anak ni dating Ambassador Eduardo “Danding” Cojuangco na pumanaw naman noong Hunyo 16, 2020.
Noong 2004, pumanaw ang unang asawa ng mambabatas na si Rio Diaz dahil sa sakit na cancer.
Nagdalamhati naman ang liderato ng Kamara sa pagpanaw ni Cojuangco sa pangunguna ni House Speaker Lord Allan Velasco.
“The House of Representatives mourns the loss of one of its eminent political party leaders. His untimely demise leaves a void in the Nationalist People’s Coalition and the entire House supermajority coalition. We have lost a leader and a friend.
May he rest in peace, and may his family find comfort during this difficult time. He will be greatly missed,” mensahe ni Velasco.
Inilagay naman sa half-mast ang bandila ng Pilipinas sa Batasan Pambansa Complex bilang simbolo ng pagluluksa. (BERNARD TAGUINOD)
