SUGATAN ang isang tauhan ni Philippine National Police – Anti-Kidnapping Group director, P/Brig. General Jonnel C. Estomo sa inilunsad na law enforcement operation na nagresulta sa pagkamatay ng dalawang rape suspect at pagkakadakip sa dalawa pang nakatakas sa gitna ng sagupaan sa bayan ng Liloan sa lalawigan ng Cebu.
Ayon kay Police Lt. Col. Ronaldo Lumactod Jr., tagapagsalita ng PNP – Anti-Kidnapping Group, patay ang dalawang suspek na may kasong rape matapos makipagbarilan sa mga pulis na naghahain ng kanilang arrest warrant.
Unang nilapitan ni AKG Iligan Satellite Office chief, P/Lt. Zosimo Ravanes Jr., team leader ng arresting team, ang suspek na si Arnel Capangpangan at sinabing may dala silang warrant para siya ay arestuhin ngunit bigla bumunot ng baril at pinaputukan ang pulis na tinamaan sa tiyan.
Bago pa mapuruhan, nakapagkubli si Ravanes na sinaklolohan ng mga kasamahang pulis at napatay si Arnel. Habang patakas ang tatlo pang suspek ay nakipagbarilan din umano ang isa pang suspek na si Marlou Capangpangan
Napatay ang dalawang suspek, habang nakatakas naman ang dalawang iba pang kasamahan nila ngunit nahuli naman sa isinagawang follow-up operation ng Police Regional Office 7 intelligence operatives.
Kinilala ang mga arestado na sina Ariston Capangpangan, Jr. alyas “Titing” at Ariston Capangpangan, Sr., alyas “Aling” na nadakip noong Biyernes.
Sa pahayag ni Lumactod, target nila ang ama at tatlong anak nito na pawang miyembro ng notorious na Tadtad Ilaga Group.
May nakabinbing arrest warrant laban sa mag-aama sa kasong panggagahasa sa isang 4-anyos na batang babae na anak ng kanilang kapitbahay sa Iligan City noong 2018.
Nagpapagaling na sa The University of Cebu Medical Center ang nabaril na pulis. (JESSE KABEL)
142
