TAX EVASION CASE VS DISCAYA COUPLE IPINAGPALIBAN NG DOJ

IPINAGPALIBAN ng Department of Justice (DOJ) ang pagsasampa ng kasong tax evasion laban sa mag-asawang kontraktor na sina Curlee at Sarah Discaya.

Ito ay sa kabila ng pagkakaroon umano ng prima facie evidence na may reasonable certainty of conviction ang reklamong inihahanda sanang ihain ng DOJ sa Court of Tax Appeals.

Sa isang press briefing nitong Biyernes, sinabi ni DOJ Spokesperson Atty. Polo Martinez na naghain ng motion for reconsideration si Curlee Discaya, dahilan upang maantala ang pagsasampa ng kaso.

Ayon kay Martinez, kinakailangang sagutin muna ng Bureau of Internal Revenue (BIR) ang naturang mosyon, dahil ang ahensiya ang naghain ng reklamo laban sa mag-asawa sa DOJ.

Dahil dito, maituturing umanong hindi pa tapos ang preliminary investigation sa kaso hangga’t hindi ito nareresolba ng prosecutor na humahawak nito.

Kung sakali, maaari pa ring maharap ang mag-asawang Discaya sa kasong paglabag sa National Internal Revenue Code dahil sa tangkang pag-iwas sa pagbabayad ng tamang buwis at pagkabigong magbigay ng wastong impormasyon.

(JULIET PACOT)

13

Related posts

Leave a Comment