‘TAX FREE OT PAY’ NAPAPANAHON – FFW

FFW

SOLIDO ang suporta ng tatlong malalaking alyansa ng mga unyon ng mga manggagawa sa bansa  kaugnay sa panukalang batas ni Senador Ralph Recto na magtatanggal sa buwis sa bayad sa mga manggagawang nag-over time sa trabaho.

Ayon kay Atty. Jose Sonny Matula, pangulo ng Federation of Free Workers (FFW), “napapanahon at makabuluhan” ang panukalang batas ni Recto.

Ang pahayag ni Matula ay reaksyon ng FFW sa Senate Bill No. 601 ni Recto na mag-aamiyenda sa Seksiyon 32 (B) (7) ng National Internal Revenue Code of 1997 upang walang ibabawas na buwis ang Bureau of Internal Revenue (BIR) sa ibabayad ng pamahalaan at ng mga kapitalista sa pagtatrabaho ng mga manggagawa lampas walong oras bawat araw.

Iginiit ni Matula na “malaki ang magiging take home pay” ng mga manggagawa sa pamahalaan at mga pribadong kumpanya kapag ganap na maging batas ang libreng buwis sa bayad sa over time.

Nagpahayag din ng suporta ang grupong Partido Manggagawa na ang tagapagsalita ay si Wilson Fortaleza.

“Support ang PM d’yan. We are always for taxing wealth not on labor. For sure the overtime work rendered by labor to employer created more wealth to employers than extra pay to workers.”

“Ayos ‘yan. Good news para sa mga manggagawa para naman kahit paano ay mabawasan ang bigat ng problema sa budget ng mga manggagawa,” pahayag ni Leody de Guzman, tagaangulo ng Bukluran ng Manggagawang Pilipino (BMP).

Ayon kay Recto, 26.7 milyong manggagawa ang makikinabang kapag naging batas ang kanyang panukala.

Ngunit, kahit mayroong naturang panukala pabor sa mga manggagawa, idiniin ni De Guzman na isusulong pa rin ng BMP ngayong taon ang pagtaas sa sahod ng mga manggagawa, sapagkat napakaliit ng halaga ng kanilang sahod dulot ng walang tigil na pagtaas ng presyo ng mga bilihin. (NELSON BADILLA)

300

Related posts

Leave a Comment