TAYMPERS MUNA PLEASE

MALAWAKAN ang iniwang pinsala at maging ang bilang ng mga ­pamilyang lubhang apektado sa pananalasa ng bagyong Odette sa mga lalawigan sa Visayas at Mindanao na binayo ng matinding buhos ng ulan kasabay ng sukdulang lakas ng hangin.
Sa paunang tala ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), libong pamilya ang napilitang lumikas sa paglubog at pagkawasak ng kanilang tahanan sa bagsik ng bagyo.
Bagama’t likas ang tatag ng bawat Pilipino, higit na kailangan ngayon ang paandar ng mga politikong hangad ma­luklok sa pwesto.
Marahil, hindi malaking kawalan sa kanilang pondo ang pagbabahagi ng tulong sa mga nasalantang pamilya. Ang kanilang mga pangakong binitawan sa kanilang paglilibot, pwede sigurong isakatuparan bilang patunay ng kanilang sinseridad.
Kung tutuusin, malaking bentahe sa mga aspirante ang personal na pagtungo sa mga nasalantang lalawigan lalo na kung hatid nila’y tulong at pag-asa ng muling pagbangon.
Ang siste, marami sa kanila ang nanaisin lamang samantalahin ang pagkakataong magpaandar, mangako at mag­­paasa lamang. Mayroon din namang tutulong kapalit ng suporta. Hindi rin mawawala sa eksena ang mga epal na makisawsaw gamit ang kapirasong tulong na nakalagay sa sisidlan kung saan nakalimbag ang kanilang pangalan at dambuhalang larawan.
Taliwas naman sa nakagawian, hindi dapat mabahiran ng pulitika ang pagtulong sa libo-libong apektadong pamilya. Angkop din munang isantabi ang halalan at sa halip ay magbayanihan para sa mabilis at epektibong lunas patungo sa pagbangon ng mga nasalantang bayan.
Pwede naman sigurong taympers muna sa pulitika, ‘di ba?
122

Related posts

Leave a Comment