ANG kuwento ng mga matatanda, iwas nang iwas ang mga kadalagahan sa mga kalalakihan dahil kapag nahawakan na ang kanilang kamay ay ipapakasal na sila ng kanilang magulang sa ayaw at sa gusto nila.
Hindi rin basta-basta magkaroon ng kasintahan noon dahil ang lalaki ay kailangang magpakitang gilas sa pamilya ang nililigawan at pagsisilbihan ang pamilya ng babae sa pamamagitan nang pagsibak ng kahoy, pag-igib at pagdidilig ng mga halaman.
Hinaharana din muna ng mga lalaki ang babae dahil doon lang nila nailalabas ang kanilang damdamin sa babaeng sinisinta at nakikialam ang magulang ng babae kung sino sa mga lalaki ang dapat nilang sagutin.
Yung iba pa nga raw ay hindi na naliligawan dahil ipinagkakasundo na sila (babae o lalake) ng kanilang magulang sa anak ng kanilang kumpare at kaibigan, sa ayaw at sa gusto ng mga bata.
Ang bilis nagbago ng panahon dahil ang mga tradisyon na iyan ay nabura sa isang iglap dahil sa mga makabagong teknolohiya lalo na noong mauso ang cellphone at internet.
Hindi na kailangang manligaw ang mga lalaki ng personal sa bahay ng babae dahil sa pamamagitan ng text at chat sa social media ay nagkakaunawaan na ang mga kabataan.
Siguro hindi naman lahat, pero sa mga nakakarating na impormasyon sa inyong DPA as in Deep Penetration Agent, kapag nagkita na ang mga chatmates o text mates, mayroon at mayroong nangyayari na hindi maganda.
Kaya hindi na nakapagtataka na palala nang palala ang problema sa teenage pregnancies sa Pilipinas at tayo raw sa ASEAN countries ang may pinakamaraming kaso ng maagang pagbubuntis ng mga kabataan.
Sa survey ng National Demographic and Health Survey noong 2013, isa sa bawat 10 kabataan na edad 15 hanggang 19-anyos ay nabubuntis na habang sa pag-aaral naman ng Young Adult Fertility and Sexuality noong 2014, 14% sa mga kabataan ang buntis at nanay na.
Maging sa report ng United Nations Population Fund ay nagsasabi na 53 sa bawat 1,000 babaing buntis ay mga kabataan kaya noong 2015, inireport ng Population Commission 207, 830 teenagers ang nabuntis.
Pataas nang pataas ang bilang na ito na lubha nang nakakabahala kaya kailangang magtulungan na ang gobyerno at magulang ng mga kabataan para sawatain ang maagang pagbubuntis ng mga kabataan.
Hindi pa handa ang mga kabataang, pisikal man o emosyonal at lalong sa larangan ng ekonomiya na magkaroon ng anak at pamilya at karaniwan pang nangyayari na hindi naman napapangasawa ng mga batang ito ang nakabuntis sa kanila.
Kailangang bantayan ng mga magulang ang kanilang mga anak, lalaki man o babae sa paggamit ng social media at paglabas-labas ng kanilang mga anak dahil kung nagagawi kayo sa mga malls at mga pasyalan makakakita ka ng kabataang naglalambingan. BERNARD TAGUINOD
241 