TEMPORARY FRANCHISE NG ABS-CBN, NAUDLOT

LALONG na-delay ang pagbibigay ng Provisional Authority (PA) sa ABS-CBN matapos bawiin ng mababang kapulungan ng Kongreso ang pagpapatibay sa nasabing panukala sa ikalawang pagbasa noong Miyerkoles, Mayo 13.

Sa sesyon ng Kamara nitong Lunes, nag-move si Deputy Majority Leader Wilter Palma na ibalik sa second reading ang House Bill (HB) 6732 na nagbibigay ng PA sa ABS-CBN hanggang sa Oktubre 31, 2020.

Ginawa ni Palma ang nasabing mosyon na inaprubahan ni House deputy speaker at presiding speaker Raneo Abu, matapos kuwestiyonin ni Albay Rep. Edcel Lagman ang ‘constitutionality’ ng naging aksyon ng Kamara noong Mayo 13, kung saan ipinasa sa una at ikalawang pagbasa ang nasabing panukala.

Gayunpaman, dahil sa mga kahilingan ng mga miyembro ng Kapulungan ng mag-interpellate sa nasabing panukala ay nagpasya ang liderato ng Kamara na bawiin ang second reading at muli itong pagdebatehan, amyendahan bago isalang muli sa botohan para sa ikalawang pagbasa.

Nakatakda sanang isalang sa ikatlo at huling pagbasa ang nasabing panukala nitong Lunes subalit dahil binawi ang ikalawang pagbasa ay made-delay ang pagpapatibay nito sa ikatlo at huling pagbasa.
Kapag natapos ang period of interpellation sa nasabing panukala ay muli itong isasalang sa ikalawang pagbasa at sa

susunod na linggo na ito maaaring pagtibayin sa ikatlo at huling pagbasa dahil sa three-day rules. BERNARD TAGUINOD

95

Related posts

Leave a Comment