TENSYON SA P4.506-T BUDGET HEARING

NAGKAROON ng tensyon sa pagdinig ng 2021 national budget matapos kontrahin ni Cagayan de Oro City Rep. Rufus Rodriguez ang desisyon ng liderato ng Kamara na isali ang publiko sa budget deliberation.

Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng House committee on appropriation na pinamumunuan ni ACT-CIS party-list Rep. Eric Yap kahapon, muli nitong ipinaalala sa mga kasamahan sa Kongreso na pinapayagan nilang magtanong ang mga miyembro ng academe sa mga resource person hinggil sa budget ng iba’t ibang ahensya ng gobyerno.

Hindi ito nagustuhan ni Rodriguez dahil labag umano sa House Rules na payagan ang mga non-members [ng Kongreso] na magtanong sa sa resources persons.

“That would be against the rules. Committee of Appropriations hearings are for members of Congress,” ani Rodriguez.

“Kung ayaw niyong marinig ang boses ng mga ordinaryong tao dito sa floor, by your suggestion, I can do that,” sagot ni Yap na mistulang nairita sa pagkuwestiyon ni Rodriguez.

Ito ang unang pagkakataon na pinapayagan ang publiko na magtanong sa budget hearing kaya nag-imbita ang komite ng mga taga-academe at iba pang eksperto sa pambansang pondo.

Subalit, ayon sa isang impormante, walang plano ang liderato na iatras ang kanilang naunang napagkasunduan na isama ang publiko sa pagdinig sa pambansang pondo na nagkakahalaga ng P4.506 Trillion. (BERNARD TAGUINOD)

P735.5-B HINDI NAGASTOS?

Samantala, kinuwestiyon ng militanteng grupo sa Kamara ang padagdag nang padagdag na pondo ng gobyerno taon-taon gayung hindi naman umano nagagastos ng mga ito ang lahat ng pondo.

Ayon kay Bayan Muna party-list Rep. Carlos Zarate, umaabot sa P735.5 billion ang hindi nagastos na pondo ng national government mula 2016 hanggang 2019 subalit taon-taon ay nadadagdagan ang proposed national budget.

Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil mula sa P4.1 Trillion na budget ng national government ngayong 2020 ay pinalobo ito ng P4.506 Trillion sa susunod na taon.

Subalit, natuklasan na hindi lahat ng inaaprubahan ng Kongreso na pondo ng national government ay nagagastos tulad noong 2016 kung saan sa P3.01 trillion pondo ay P318.2 billion ang hindi nagastos.

Umaabot naman sa P34.7 billion ang hindi nagastos ng Duterte government sa P3.350 trillion na pondo noong 2017 habang noong 2018 ay P235.2 billion ang hindi nagamit sa P3.767 trillion na pondo.

Noong 2018 ay ibinaba sa P3.757 trillion ang national budget subalit P146.5 billion ang hindi nila nagastos. (BERNARD TAGUINOD)

141

Related posts

Leave a Comment