TESDA INUTIL SA JOBS-SKILLS MISMATCH

MISTULANG inutil ang Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) sa pagtugon sa jobs-skills mismatch sa mga nagtapos ng technical at vocational courses sa kanilang tanggapan, ayon kay Senador Win Gatchalian.

Sa pahayag, sinabi ni Gatchalian na bagama’t tumaas nitong nakaraang taon ang pondong nakalaan sa TESDA, hindi natugunan ang tumataas na antas ng jobs-skills mismatch sa mga nagtapos ng Technical-Vocational Education and Training.

Ayon sa pagsusuri ng Asian Development Bank (ADB) sa Individual Graduate Tracer Surveys ng TESDA para sa mga taong 2013, 2014, at 2017, umaabot sa 60% hanggang 80% ang occupational mismatch sa mga TVET graduate.

Noong 2017, 70% ng mga kalahok sa naturang survey ang may mga trabahong hindi tugma sa programang kanilang tinapos.

Ang pagsusuri sa occupational group mismatch ay isa sa mga paraan upang ihambing ang aktwal na trabaho ng isang TVET graduate sa programang kanyang tinapos.

Halimbawa, inaasahang magiging mga welder ang mga nagtapos ng Shielded Metal Arc Welding National Certificate Level II (NC II). Ngunit kung sila ay nagtatrabaho bilang restaurant staff, sila ay nakararanas ng training-job mismatch.

Sa nagdaang anim na taon, umabot sa 19.71% ang average na itinaas ng pondo ng TESDA. Para sa 2022, halos labinlimang (14.7) bilyong piso ang panukalang budget ng ahensya, mas mataas ng 0.65% o siyamnapu’t apat (94) na milyong piso kung ihahambing sa pondo nitong 2021. (ESTONG REYES)

177

Related posts

Leave a Comment