BALIK na sa Pilipinas ang pinatalsik na kinatawan ng Negros Oriental na si Arnulfo Teves Jr. matapos payagan ng Timor Leste.
Kahapon ng umaga ay isinakay si Teves sa chartered plane mula sa Timor Leste at dumating sa bansa ng hapon.
Nanindigan naman si Atty. Ferdinand Topacio na dapat dalhin sa Maynila ang kliyente niyang si Teves.
Sa mga unang impormasyon kahapon, lalapag ang sinakyan ng dating kongresista na Philippine Air Force plane na may tail number 142 sa Davao International Airport para magre-fuel.
Giit ni Topacio, kahit saan mag-landing ang eroplano ay dapat ilipad patungo sa Maynila si Teves at iharap sa korte o sa Manila Regional Trial Court, Branch 51 na siyang nag-isyu ng warrant of arrest.
Sa nasabing korte anya tutukuyin ng huwes kung tama ba ang proseso ng pagkakaaresto sa dating mambabatas.
Samantala, sinabi ni PNP chief General Rommel Francisco Marbil, na handa ang PNP kung sakaling humingi ang Department of Justice at National Bureau of Investigation ng tulong sa pagkukulungan kay Teves.
Ani Marbil, may custodial center sa loob ng Camp Crame na pwedeng pagkulungan sa dating mambabatas.
Matatandaan na itinuturong mastermind si Teves sa pagpatay kay dating Negros Oriental governor Roel Degamo at walong indibidwal noong Marso 04, 2023.
Alas-09:36 ng umaga sa nasabing petsa nang pasukin ng mga armadong lalaki ang compound ng mga Degamo sa Barangay San Isidro, Sto. Nuebe sa Pamplona saka nilikida ang mga biktima.
Nitong Martes ng gabi ay hinuli si Teves sa kanyang bahay sa Dili, Timor Leste kung saan siya naghain ng aplikasyon ng asylum.
(JULIET PACOT/TOTO NABAJA)
