TF KASANAG HUMIHIRIT NG MAHIGPIT NA PANANAGUTAN SA DPWH PROJECTS

MULING nanawagan ng mahigpit na pananagutan ang Task Force Kasanag (TFK) kaugnay ng umano’y iregularidad sa ilang flood control at iba pang proyekto ng Department of Public Works and Highways (DPWH).

Sa press conference na pinangunahan ni Dr. John Chiong, inilatag ng grupo ang update sa mga reklamong inihain nito noong 2022 at iginiit ang pangangailangan ng transparency, wastong oversight at masusing pagsusuri sa paggamit ng pondo ng publiko.

Ayon kay Dr. Chiong, naghain sila ng Ethics Complaint laban kay House Committee on Public Works Chairperson at Surigao del Sur 1st District Representative Romeo Salazar Momo Sr., kasama ang iba pang indibidwal at kumpanyang umano’y sangkot sa multi-bilyong pisong proyekto.

Kabilang sa mga kumpanyang binanggit ang GCI Construction and Development Corp. (Bicol), Equi-Parco Construction Company (Region XIII/X), Montesclaros Enterprises, Inc. (Region X), EUS Construction (Region V), Brentmin Roofing Enterprise (Region V), Centerways Construction and Development, Inc. (Region V), at EGB Construction Corporation (Northern Luzon).

Nilinaw ng TFK na ang mga nabanggit ay batay sa dokumentadong kontrata at pormal na reklamong isinumite sa kinauukulang ahensya. Lahat ng indibidwal at kumpanya ay itinuturing na inosente hangga’t hindi napatutunayang nagkasala sa ilalim ng due process.

Muling binanggit ng grupo ang mga reklamong inihain nito laban sa mga dating kongresista na sina Zaldy Co, Eric Yap, Cong. Edwin Gardiola, dating DPWH Secretary Manuel Bonoan at ilang regional directors ng DPWH.

Tinukoy rin ang mga kasong plunder at graft laban kay dating DPWH Undersecretary Romeo Momo na kasalukuyang dumaraan sa legal na proseso.

Ayon sa Task Force Kasanag, magpapatuloy ang kanilang pakikipagtulungan sa mga awtoridad upang isulong ang reporma, transparency at accountability sa mga proyektong pang-imprastraktura ng pamahalaan.

1

Related posts

Leave a Comment