Tiniyak ni Mayor Isko P66.8-M ALLOWANCES MATATANGGAP NA NG MANILA LGU EMPLOYEES

TINIYAK ng pamahalaang lungsod ng Maynila na mababayaran na ngayong linggo ang naantalang sahod ng Job Order (JO) at Contract of Service (COS) personnel mula sa Manila Health Department at mga ospital na pinatatakbo ng lungsod para sa Enero 2026.

Ito ay matapos ianunsyo ni Manila Mayor Isko Moreno-Domagoso sa Monday flag raising ceremony, ang pagpapalabas ng P66,821,000 bilang clothing allowance para sa mahigit 9,000 kawani ng pamahalaang lungsod.

Sinabi ni Domagoso, makatatanggap ng P7,000 bawat isa ang 8,543 regular na empleyado bilang kanilang clothing allowance para sa 2026.

“Imbes na ibili ko kayo ng bagong uniporme, minabuti ng inyong lingkod na ibigay na lang sa inyo nang cash ‘yung P7,000,” ani ng alkalde.

Sinabi rin ng alkalde na babayaran na ang 1,063 empleyado na hindi nakatanggap ng clothing allowance mula 2021 hanggang 2025.

Dagdag niya, 10 empleyado ang hindi nakakuha noong 2021; 62 noong 2022; 131 noong 2023; 181 noong 2024; at 679 noong 2025.

Ipinaliwanag ng alkalde na ang natitirang payroll para sa clothing allowance ay ilalabas mula Pebrero 24 hanggang 27.

Ayon pa kay Mayor Isko, minabuti niyang gawing cash ang distribusyon upang mabigyan ang mga empleyado ng kaluwagan sa kanilang gastusin.

“Mas minabuti kong i-cash na lang para may mabubunot kayo ngayong linggong ito,” saad niya.

Bukod sa regular na empleyado, tinugunan din ni Domagoso ang mga alalahanin ng JO at COS workers mula sa Manila Health Department at mga ospital ng lungsod ukol sa naantalang sahod para sa Enero 1–31, 2026.

Ayon kay Domagoso, ang delay ay dulot ng pagbabago sa charging ng sahod mula General Fund patungo sa Special Health Fund.

“We changed the charging. ‘Yung charging of salary from General Fund, inilipat natin sa Trust Fund ng health fund natin,” sabi ni Domagoso.

Ang payroll ay sumasaklaw sa mga kawani mula sa Manila Health Department; Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center; Ospital ng Tondo; Justice Jose Abad Santos General Hospital; Ospital ng Sampaloc; Sta. Ana Hospital; Ospital ng Maynila Medical Center; at President Corazon C. Aquino General Hospital.

Sinabi ni Domagoso na ang fiscal maneuvering ng administrasyon simula Enero ay naglalayong tiyakin ang katatagan sa kompensasyon ng mga empleyado habang sumusunod sa legal at accounting requirements.

“Hindi po perpekto ang inyong lingkod. Hindi po perpekto ang gobyerno ng Maynila. Ngunit pipilitin ko laging maging mahinahon, masinop, at episyente na makapaglingkod sa ating kapwa,” dagdag pa niya.

(JOCELYN DOMENDEN)

4

Related posts

Leave a Comment