TIRADOR NG PRUTAS, ARESTADO

CAVITE – Kumain muna ng ilang piraso ng prutas bago binitbit ang iba pang paninda ng isang 25-anyos na canteen helper sa bayan ng Carmona sa lalawigang ito.

Agad naaresto ang suspek na kinilalang si Nino Getigan, binata, ng Brgy. Maguyam, Silang, Cavite, nakakulong na sa Carmona Custodial Center, makaraang ireklamo ng pagnanakaw.

Ayon sa ulat ni P/SSgt. Ritchie Ines ng Carmona Municipal Police Station, dakong alas-9:30 noong Biyernes ng gabi nang pasukin ng suspek ang isang tindahan sa Salazar Compound, Brgy. Bancal ng naturang bayan, at sinira ang padlock nito.

Nang nakapasok sa loob ng tindahan, kumain muna ito ng ilang panindang prutas bago tinangay ang 36 piraso ng saging at limang piraso ng itlog na maalat na P600 ang halaga at tinangkang tumakas.

Ngunit sa paglabas niya ng tindahan, naabutan siya ng mga barangay tanod na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto. (SIGFRED ADSUARA)

150

Related posts

Leave a Comment