KUMPIYANSA si Bayan Muna Rep. Ferdinand Gaite na hindi makikinig at hindi bibigay sa pressure si House Speaker Lord Allan Velasco mula sa mga anti-communist group na nanawagan na imbestigahan ng House of Representatives ang Makabayan bloc hinggil sa kaugnayan nito sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army(CPP-NPA).
Base sa pahayag ni Gaite, tiwala silang mananatili ang “good judgement” ni Velasco sa isyu ng red-tagging laban sa anim na miyembro ng Makabayan bloc na mula sa Gabriela Party-list, Kabataan Party-list, Act Teachers Party-list at Bayan Muna.
Aniya, sa isinagawang Senate hearing sa isyu ng red-tagging ay nabigo ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) na magharap ng ebidensyang magpapatunay na kaalyado sila ng CPP-NPA kaya naman kahit magsagawa ng House Inquiry ay ganito rin ang kahihinatnan.
“Clearly there is pressure on the House to join the communist witch hunt of the NTF-ELCAC, but we believe Speaker Velasco will remain judicious and will not allow the House to be used as venue for peddling baseless accusations against its members,” paliwanag ni Gaite.
Iginiit ni Kabataan Party-list Rep. Sarah Elago na walang batayan ang panawagang House Inquiry dahil gawa-gawa lamang ang alegasyon laban sa kanila ng NTF-ELCAC na ang tunay na pakay ay matanggal sila bilang miyembro ng Kongreso.
Sa kabilang banda, nanindigan si League of Parents of the Philippines (LPP) Chair Remy Rosadio na hindi dapat sa mga kapwa mambabatas nakikinig si Velasco kundi sa boses ng nakararami.
Anya, hanggang nananatili sa Kamara ang Makabayan bloc ay mas maraming kabataan ang mare-recruit na sumanib sa NPA.
Binatikos din ni Hands Off Our Children Founder Gemma Labsan ang kawalang aksyon ng Kamara sa kanilang panawagan na magkaroon ng isang House Inquiry. Aniya, sa Senado ay agad umaksyon at nagsagawa ng imbestigasyon sa red-tagging kaya nakapagtatakang hindi ito kayang gawin ng mababang kapulungan gayong sila ang may hurisdiksyon sa Makabayan bloc.
Naniniwala si Labsan na malaki ang magagawa ng isang House Inquiry para malaman ang katotohanan sa ginagawang recruitment ng Makabayan bloc sa mga kabataan para sumali sa communist group.
Sinabi ni Labsan na sa kabila ng ipinakikitang ‘bias’ ni Velasco ay hindi pa rin sila titigil sa pagkalampag dito hanggang sa umaksyon at gampanan nito ang kanyang tungkulin sa bayan at iutos ang isang imbestigasyon laban sa mga progressive solon.
Samantala, aminado ang ilang mambabatas na tumangging magpabanggit ng pangalan na malabong mangyaring magkaroon ng imbestigasyon ang Kamara laban sa sarili nitong miyembro, bukod sa hindi pa umano ito nangyayari ay tali rin ang kamay ni Speaker Velasco dahil minsan na nyang naipagtanggol ang Makabayan bloc sa isyu ng red-tagging at pawang kaalyado nya ang mga ito sa Kamara.
155
