SAYANG!
May pagkakataon sana ang Talk ‘N Text Tropang Giga na maisulat ang kanilang pangalan sa kasaysayan ng basketbol hindi lamang dito sa PBA kundi maging sa buong mundo.
Nang maputol ng Tropang Giga ang 2-0 kalamangan ng Gin Kings noong Game 2 ng kanilang pitong larong serye para sa kampeonato ng Philippine Cup, naisip ng marami, kabilang ang kolumnistang ito, magagawa nila ang dadalawang ulit pa lamang naganap na pagbangon mula sa 1-3 hukay.
Dalawang koponan pa lamang ang nakagawa nito, una ang San Miguel Beer sa PBA at ang Cleveland Cavaliers sa NBA.
Natupad ng Beermen ni coach Leo Austria ang noon ay itinuturing na “mission impossible” noong Pebrero 2016, nang padapain nila ang Alaska Aces sa ikapitong laro ng kanilang best-of-seven gold medal series para tuluyang burahinn ang 3-1 pangunguna ng kalaban at tanghaling kampeon ng All-Filipino Conference, pangatlo sa limang sunod ng prangkisang pag-aari ni Ramon S. Ang ng SMC.
Makaraan ang ilan buwan noong taon ding iyon, dinuplika ito ng Cleveland sa pangunguna ni Lebron James, nang talunin nila ang nagtatanggol na kampeong Golden State Warriors nina Steph Curry at Klay Thompson.
Wala pang ibang koponan sa iba pang professional sports ang nakaulit ng nagawa ng Beermen at Cavs.
Kaya nga noong makalapit ang Tropang Giga sa kalamangan ng Kings, 1-2, marami ang humula na kayang duplikahin ng TNT, na mapabilang ang kanilang pangalan at ang pangalan ng MVP Group ni Manny V. Pangilinan, sa elite group na SMB at Cavs.
Pero sa ilang kadahilanan, gaya ng karamdaman at pinsalang pisikal na tinamo nina Bobby Ray Parks at Jason Castro at maging ni RR Pogoy na halos mag-isang gumampan sa tungkulin ng dalawa, naunsyami ang tangka ng KaTropa ni baguhang coach Bong Ravena.
Hindi naman ang ibig sabihin na minamaliit namin ang nagawa ng Kings ni coach Tim Cone na nagdaan din naman sa butas ng karayom bago matupad ang ipinangako nila matapos pagwagihan ang Governors’ Cup noong 2019 Season.
Matatandaang nang magsimula ang bubble ay nasa ospital pa si PBA “Iron Man” LA Tenorio at si Japeth Aguilar ay may dinaramdam din sa katawan.
Ang 2020 PH Cup bubble, katunayan, ay kauna-unahan para sa mga bata ni coach Tim makaraan ang 13 taon matapos na huling nakoronahang kampeon ng Conference noong 2007.
Una rin ito para kay coach Tim mula nang hinawakan niya ang Ginebra.
Unang All-Filipino rin ito kay LA na nakamit din ang kanyang unang Finals MVP na iginawad sa kanya ng PBA Press Corps.
Ang Game 7 ng serye ay pang-663 na walang patlang na laro para kay ‘Iron Man’ LA na hinuhulaang matagal bago mapantayan sa mga darating na panahon.
Pangalawang tuhog na kampeonato rin ito sa Kings mula noong 2004, matapos nilang makopo rin ang 2020 Governors’ Cup noong Enero.
139
