ARESTADO ang tinaguriang top 1 drug personality ng Pasok Putik Police Station (PS 16) ng Quezon City Police District (QCPD) at isa pang kasamahan nito sa ikinasang buy-bust operation sa Brgy. Kaligayahan, Quezon City, noong Marso 2.
Kinilala ni QCPD director, P/BGen. Danilo Macerin ang mga suspek na sina Angel Aspa, Jr., 48, at Jonel Penilla, 33-anyos.
Ayon kay PS-16 commander, P/Lt. Col. Eleazar Barber Jr., si Aspa Jr. ay nakalista bilang no. 1 drug personality station level, habang si Penilla ay bagong drug personality.
Nabatid sa report, dakong alas-8:30 ng gabi sa nasabing petsa, nagsagawa ng buy-bust operation sa King Fisher St., Brgy. Kaligayahan, Quezon City na nagresulta sa pagkakadakip sa mga suspek.
Nakumpiska sa mga suspek ang pitong gramo ng umano’y shabu na tinatayang P47,600 ang halaga, isang cellular phone, isang motorsiklo at ang buy-bust money.
Ang mga suspek ay kinasuhan sa paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (JOEL O. AMONGO)
