NATUNTON sa lalawigan ng Cavite ang rank no. 1 most wanted person, municipal level, sa Oriental Mindoro na nagresulta sa kanyang pagkakaaresto sa isinagawang police operation sa Imus City noong Miyerkoles ng umaga.
Kinilala ang akusado na si Willy Bagui y Cultura, alyas “Pogi”, 33, isang negosyante, ng Bansud, Mindoro Oriental at naninirahan sa Brgy. Timalan Balsahan, Naic, Cavite.
Ayon sa ulat, dakong alas-9:30 ng umaga, nagsagawa ng operasyon kontra MWP ang pinagsanib na pwersa ng Imus City Police, Warrant Section at Bansud Municipal Police Station ng Oriental Mindoro, sa Brgy. Bayan Luma 2, Imus City, Cavite matapos makatanggap ng impormasyon na nagtatago ang suspek sa lugar.
Agad namang nadakip ang suspek sa bisa ng warrant of arrest na
inisyu ni Presiding Judge Harry D. Jaminola, ng Fourth Judicial Region, Regional Trial Court, Branch 41, ng Pinamalayan, Mindoro, dahil sa kasong murder at serious physical injuries.
(SIGFRED ADSUARA)
