PINALAGAN ni PNP Chief Gen. Nicolas Torre III ang mga kumakalat sa social media na may pinatay at itinapon na Chinese national sa Kawit, Cavite.
Ayon kay Gen. Torre, taong 2022 pa nangyari ang nasabing insidente at matagal nang naimbestigahan kung saan ay isang pugante sa China ang Chinese national na 32-anyos na may Interpol notice.
Ang labi ng biktima ay nailibing na rin sa isang pampublikong sementeryo sa Cavite.
Tinukoy ng hepe ng Pambansang Pulisya, partikular ang ilang grupo ng DDS na hinukay aniya sa baul ang isyu para palabasing bago laban sa kasalukuyang administrasyon.
Nakipag-ugnayan umano ang mga otoridad sa pamilya ng biktima subalit tumanggi naman na makipagtulungan.
Pinaalalahanan ng PNP ang publiko na huwag basta maniniwala sa mga nakikita sa social media na walang sapat na beripikasyon. (TOTO NABAJA)
