INIULAT kahapon ni Philippine National Police (PNP) chief General Nicolas Torre III na may nakuhang buto ng tao ang mga diver sa pagsisid sa Taal Lake kaugnay sa patuloy na paghahanap sa nawawalang sabungero.
Sinabi ni Torre na may farm sa lugar kaya magkakahalo ang nakitang buto. Pinaniniwalaan na ang iba ay buto ng tao habang ay iba ay mula sa hayop.
Dinala na sa PNP forensic group sa Camp Crame ang mga nakuhang buto upang sumailalim sa pagsusuri.
Samantala, nasa 12 kamag-anak ng missing sabungeros ang kinunan ng DNA sample na gagamitin sa ‘cross matching” para malaman kung tutugma ang mga buto na nakuha sa Taal lake.
Sinabi ni PNP Spokesperson Brig Gen Jean Fajardo, sakaling magtugma ang gagawing cross matching ay maituturing itong isang malaking breakthrough sa kaso ng mga nawawalang sabungero.
Bukas pa rin ang PNP sa iba pang kamag-anakan ng mga nawawalang sabungero na magpakuha ng kanilang DNA.
Samantala, nilinaw ng PNP na sa 15 pulis na isinasangkot sa kaso ng mga sabungero, 12 na lang ang hawak nila dahil 3 sa mga ito ay naalis na sa serbisyo.
Hindi Planted
Samantala, iginiit ng Philippine Coast Guard (PCG) na hindi ‘planted’ ang mga sako na naglalaman ng hinihinalang buto ng mga nawawalang sabungero na nakuha sa Taal Lake.
Sinabi ni PCG spokesperson Captain Noemi Cayabyab na ang nagpapatuloy na diving operations ay isang lehitimong operasyon at bahagi ng pormal na imbestigasyon.
Isa aniya sa mga hamon na kinakaharap ng mga diver ang madilim at maputik na lugar ng lake.
Ayon sa Department of Science and Technology, ang Taal Lake ay sumasaklaw ng 234 square kilometers na siyam na beses na mas malaki kaysa sa lungsod ng Maynila. Mayroon din itong lalim na 198 metro o katumbas ng 60 palapag na gusali.
Sa gitna ng mga agam-agam ay naglabas ang PCG ng underwater footage ng kanilang search and retrieval operation para ipakita ang sitwasyon sa ilalim ng lawa.
“Kalokohan”
Hindi pinalampas ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang alegasyong “tanim-buto” ang laman ng mga sakong naiahon sa Taal Lake.
Sa isang press briefing sa DOJ, sinabi ni Remulla na itinuturing niyang bahagi ng pamumulitika ang alegasyon na mayroong tanim-buto sa isinasagawang diving operation sa Taal.
“Wala. Kalokohan ‘yan,” ayon sa kalihim.
“This country is full of politics and troll farms, that they always want to spoil whatever good things that we can do as a country. That’s part of politics,” dagdag pa niya.
Sa ngayon, limang sako na posibleng naglalaman ng mga labi ng tao ang naiahon ng mga diver mula sa Philippine Coast Guard mula sa Lawa ng Taal, bilang bahagi ng nagpapatuloy na paghahanap sa mga nawawalang sabungero.
Ang mga natagpuang kalansay ay isasailalim sa forensic examination upang makumpirma kung mga labi nga ito ng tao, at isasabay ang DNA testing upang matukoy kung ito ay tumutugma sa mga kaanak ng mga nawawalang sabungero.
(TOTO NABAJA/JOCELYN DOMENDEN/JULIET PACOT)
