ISANG babala ang inilabas kahapon ng isang non-government organization (NGO) laban sa pagbili ng mga pambatang school bag matapos itong magpositibo sa lead batay sa isinagawang test buy sa tatlong lungsod sa National Capital Region – Maynila, Pasay, at Quezon City.
Ayon sa grupong Ban Toxics, lumalabas na pumalo sa 500 parts per million (ppm) ang antas ng lead content ng mga schoolbags na sinuri gamit ang SCIAPS X-200 HH XRF Analyzer.
Anila, ibinebenta ang mga naturang schoolbags sa halagang P100 hanggang P180.
Alinsunod sa Department of Environment and Natural Resources (DENR) Administrative Order 2013-24 (Chemical Control Order for Lead and Lead Compounds) mahigpit na ipinagbabawal ang paggamit ng lead sa paggawa ng school supplies.
Ayon sa Environmental Protection Agency (EPA), higit ang peligrong dala ng mga toxic lead contents sa mga bata kumpara sa mga matatanda. Dagdag pa ng EPA, posibleng magdulot ng problema sa pag-uugali, pagbaba ng IQ, hyperactivity, pagbagal ng paglaki, mga problema sa pandinig, at anemia ang sinumang mae-expose sa naturang kemikal.
“Tinatawagan namin ang atensyon ng regulatory agencies, Food and Drug Administration at Department of Environment and Natural Resources, na magsagawa ng enforcement action sa patuloy na pagbebenta sa merkado ng mga kiddie school bag na may nakakalason na lead,” pahayag ni Thony Dizon na tumatayong tagapagsalita ng naturang NGO.
Ang Hunyo ay idineklara na “Philippine Environment Month” sa bisa ng Presidential Proclamation No. 237. Ang pagdiriwang ng World Environment Day sa bansa ay hindi lamang isang tanda ng suporta ng Pilipinas sa layunin ng pagpapahusay ng ekolohiya ng mundo, kundi isang pagkilala rin sa pangangailangan na pagtatanim ng kamalayan at pagmamalasakit sa kapaligiran sa iba’t ibang sektor ng lipunang Pilipino.
“Tinatawagan din namin ang atensyon ng Department of Education na simulan ang mga programang pangkalikasan na magpapataas sa kamalayan ng mga mag-aaral, magulang, at guro sa pamamagitan ng Toxics-Free Schools Program upang maprotektahan ang ating mga tahanan at paaralan mula sa mga masamang dulot ng mga nakalalasong kemikal at basura.” (CYRILL QUILO)
