TRADER NA-HIPNOTISMO SUSPEK KALABOSO

DINAMPOT kamakalawa ng hapon ang isang 34-anyos na misis matapos na ma-hipnotismo at magantso umano ang isang negosyanteng itinuring siyang “beshie”at pinagkatiwalaang  maglakad ng business permit ng biktima kapalit ng malaking halaga sa Caloocan City.

Sinampahan ng kasong attempted estafa at paglabag Anti-Red Tape Act of 2007 ang suspek na si Mary Ann Tumalad, ng #333 2nd St., corner 8th Avenue, Brgy. 107, matapos mahuli sa harap ng isang convenience store sa kanto ng 9th Avenue at 8th St. malapit sa Caloocan City Hall dakong alas-4:00 ng hapon noong Lunes.

Napag-alaman, makaraan ang madalas na pag-uusap nina Tumalad at ng biktimang si Abigail Mal-Ay, 25, ng Pampano St., Kaunlaran Village, Brgy. 14, ay nabuo ang pagtitiwala ng huli sa suspek.

Napaniwala umano ng suspek ang biktima na kunektado siya sa Bureau of Permit and Licensing Office (BPLO) kaya’t kay Tumalad nagpakuha ng permit sa nasabing opisina si Mal-Ay para sa taong 2019.

Mula noon ay parang aliping nasa ilalim na ng sumpa si Mal-Ay at naging sunud-sunuran kay Tumalad na nagpresentang maglalakad muli ng business permit ng biktima para mapabilis ang transaksyon.

Gayunpaman, nang ibigay ng suspek ang quotation para sa pagproseso ng permit ay napuna ng ina ni Mal-Ay na napakalaki ng hinihingi ni Tumalad kumpara sa dati nilang binabayaran.

Dito na tila natauhan ang biktima at tumungo sa BPLO upang magberepika at halos mapaupo sa sahig ng nasabing tanggapan si Mal-Ay nang mapatunayang sobra ang sinisingil ni Tumalad.

Bukod dito ay huwad din ang ibinigay nitong permit para sa nakalipas na taon at itinanggi ng BPLO na kunektado sa kanila si Tumalad kaya’t humingi ng tulong sa pulisya ang biktima at ipinadakip ang itinuring niyang “beshie”. (ALAIN AJERO)

 

239

Related posts

Leave a Comment