BAGSAK sa kulungan ang isang bus driver makaraang tutukan ng pellet gun ang isang traffic enforcer na sumita sa kanya dahil sa pagmamaneho ng tricycle na walang prangkisa sa Malabon City noong Linggo ng hapon.
Kinilala ni Malabon City Police chief, P/Col. Albert Barot ang suspek na si Roger Trabajales, ng Tolentino St., Tagaytay City, Cavite, nahaharap sa kasong grave threat in relation to RA 10591 o Comprehensive Law on Firearms and Ammunition Act.
Ayon sa imbestigasyon nina P/SSgt. Jose Romeo Germinal II at P/SSgt. Jeric Tindugan, nagmamando ng trapiko sa kahabaan ng M.H. Del Pilar St., Brgy. Tinajeros si Ramir Maclang, 40, traffic enforcer ng Public Safety and Traffic Management Office (PSTMO) ng Malabon City, nang mamataan ang minamanehong tricycle ni Trabajales na walang nakalagay na sticker na palatandaang ay may prangkisa ang sasakyan.
Nang sinita ni Maclang ay biglang naglabas ng baril si Trabajales at tinutukan ang traffic enforcer.
Hindi nakapalag si Maclang sa pag-aakalang tunay na baril ang armas ng suspek na mabilis na pinaharurot ang tricycle.
Ngunit lingid sa kaalaman ng suspek ay lihim siyang sinundan ng traffic enforcer lulan ng motorsiklo.
Pagsapit sa kanto ng Gov. Pascual Avenue at Valdez St. sa Brgy. Catmon, nakahingi ng tulong si Maclang sa nagpapatrulyang tauhan ng Malabon Police Sub-Station 5 na nagresulta sa pagkakadakip sa suspek at nakumpiska ang isang pellet gun na may magazine. (FRANCIS SORIANO)
336
